NAKILALA namin ang journalist, civic leader at women’s rights advocate na si Samira Gutoc nang makipagchikahan siya sa ilang members ng entertainment media kamakailan para ipaalam sa madlang pipol ang kanyang mga adbokasiya.
Isa si Samira sa mga tatakbong senador sa 2019 elections sa ilalim ng Liberal Party. Una siyang nakilala ng publiko sa special session ng Congress kung saan tinalakay ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Isa siya sa mga nagsalita roon bilang survivor ng Marawi siege.
“I was a legislator who served as member of the Regional Legislative Assembly of the Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). We helped organize the Ranao Rescue Team, ito yung grupo namin na binuo in response to the humanitarian crisis after the Marawi siege,” unang pagpapakilala niya sa press.
Aniya, isa sa mga rason kung bakit siya tatakbo ay para magkaroon uli ng representas-yon ang Muslim community sa Senado, “Dalawang dekada akong naging community organizer. Nagsulat din ako, na-ging reporter tulad n’yo. Mga 20 years din akong tumira sa Marawi. Ako’y isang ina, isang Muslim at isang Filipino.
“Tatakbo ako to take a stand at tulungan ang lahat ng ating mga kababayan, lalo na ang mga taga-Mindanao na gawan ng solusyon ang kanilang mga problema at mas palawakin pa ang kanilang mga adbokasiya. To help them find solutions and address the needs of victims of disasters, of calamities, of war and displacement,” dagdag na chika ni Samira.
Ilang beses napaiyak si Samira sa harap ng press habang nagkukuwento ng mga naging karanasan niya bilang civic leader sa Marawi. Isa raw ito sa nagpalakas ng loob niya para harapin ang hamon sa 2019.
Naikuwento rin niya ang naranasang diskriminasyon bilang Muslim noong nag-a-apply siya bilang broadcast journalist sa mga TV stations.
“One station asked me kung pwede akong mag-on cam without my hijab. So hindi natuloy yung pagpasok ko sa kanila. When I did not pass their requirements, kumuha ako ng master’s course in international studies. Tapos bumalik ako sa Marawi, hanggang sa matanggap ako sa Mindanao State University College of Law,” kuwento pa ng Muslim leader.
Makulay at challenging ang buhay ni Samira kaya natanong siya kung sino ang gusto niyang gumanap sa life story niya sakaling gawing pelikula o isabuhay sa Maalaala Mo Kaya, “Siguro si Sarah Geronimo. Kasi nakikita ko sa kanya yung tapang at pagiging palaban. Yung passion niya sa ginagawa niya at pagmamahal sa magulang.”
At kung papayag daw ang boyfriend ni Sarah na si Matteo Guidicelli, mas okay na ito ang gumanap bilang life partner niya.