Kris pinagkatiwalaan ang kaibigang abogado, pasok na rin sa KCAP


DAPAT sana’y nu’ng nakaraang linggo pa bibiyahe papuntang Japan ang mag-iinang Kris Aquino, Joshua at Bimby, nakaimpake na ang kanilang mga bagahe, pero kinailangan pa munang hintayin ni Kris ang medical clearance mula sa kanyang mga doktor.

Maselan nga naman ang kanyang kundisyon, malamig at mainit na panahon ay nakaaapekto sa kanyang kalusugan, kaya kailangan niyang irespeto at sundin ang kung anumang desisyon ng mga humahawak na doktor sa kanya.

Natural, nakabitin din ang pananabik ng kanyang mga anak, siguradong ipinagdasal ng magkapatid na payagan na sana ang aktres-TV host na makapagbakasyon para maging masaya at kumpleto ang kanilang Pasko.

Bukod sa kanyang mga anak ay kasama rin niyang nagbakasyon sa Japan si Attorney Gideon Peña na itinutukso sa kanya ng mga fans niya, pero kahit sa amin ay nilinaw ni Kris, magkaibigan lang sila ng abogado at bahagi na rin ngayon ng kanyang KCA Productions ang batambata pang lawyer.

Sobrang lamig sa Japan, kahit nanirahan na sa mayelong lugar sa Amerika nu’n ang pamilya ni Kris ay sumusuko pa rin siya, palagi lang siyang nasa hotel room habang kasamang namamasyal ng kanyang mga anak ang mga isinama niyang staff sa Japan.

Pahinga lang naman ang mahalaga para kay Kris Aquino, ang pamamasyal ay para na lang sa kanyang mga anak na gustung-gusto sa malamig na kapaligiran, puro naman sa kaligayahan nina Josh at Bimby ang hangad ng aktres-TV host at dakilang ina.

Read more...