MATIGAS ang posisyon ng pamahalaan tungkol sa modernisasyon ng ating mga public transport tulad ng bus at jeep. Nais gawin ng Department of Transportation na mas maganda modern at maayos ang mga sasakyang ito.
Nais din umano ng DOTr na gawing ligtas ang mga pampublikong sasakyan na ito upang maalagaan ang mga pasahero kung kaya’t minamando nila sa mga operator ng jeep at bus na gawing moderno ang kanilang mga sasakyan.
Subalit nakakalimutan yata ng DOTr na kahit gaano kabago ang isang sasakyan, kung bastos at walang modo ang pagmamaneho ng mga driver nito ay patuloy pa din mangyayari ang mga banggaan dala ng mabilis na pagpapatakbo ng jeep at bus.
Ang kailangan ay makontrol din ang pagiging kaskasero ng driver ng bus at jeep upang matigil ang banggaan sa lansangan. At hindi mangyayari ito kung hindi kayang kontrolin ang tulin ng takbo ng mga public utility vehicles.
Noong 2016, dahil na rin sa hindi pagpansin ni dating Pangulong Noynoy Aquino, naging batas ang Speed Limiter Act na naglalayong maglagay ng mga Speed Limiter sa lahat ng pampublikong sasakyan sa bansa.
Pakay ng batas na ito na makontrol ang walang habas na pagpapatakbo ng mabilis ng mga driver ng bus at jeep sa ating lansangan. Sa loob ng batas na ito ay sinasabing dapat ay malagyan ng gadget o Speed Limiter ang mga bus, jeep, maging ang mga trak na pipigil sa tulin na tatakbuhin ng kanilang mga sasakyan.
Noong 2017 ay naglabas ng Implementing Rules and Regulation para sa Speed Limiter Law. Pero kahit na meron nang ganitong batas, patuloy pa din na kaskasero ang mga driver ng public utility vehicles na nagbubunga ng kamatayan sa mga pasahero at tao sa lansangan.
Sa hindi ko maintindihan na dahilan, nagpapasahan ang DOTr at DTI sa responsibilidad ng pagpapatupad ng batas na ito na maaaring magbawas kung hindi man pigilin ang aksidente bunga ng kaskaserong pagmamaneho ng mga driver ng PUV’s.
Hindi ko alam ang dahilan ng dalawang ahensiya, pero ang nagiging resulta nito ay ang nakalulugjkot na mga trahedya sa lansangan. Sana naman ay tignan na ito ng mga kinauukulan, upang magamit na sa magandang paraan ang batas ng Speed Limiter Law.
vvv
Para sa komento, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.