IYAN ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 7:10-14; Sal 24:1-6; Lc 1:26-38) sa kapistahan ni Santo Domingo de
Sa talinhaga, hindi baog sa tuwirang turan ang tukoy kundi ang imposibleng nagagawa sa nangangailangan (sina Zacarias at Elizabeth ay wala nang pag-asang magkaanak, pero niloob ito ng makapangyarihan kaya isilang si Juan Bautista). Nakaiinsulto na ang kahirapan ang siyang dahilan ng oposisyon para pasamain ang Pasko at sisihin ang gobyerno.
Sa pusod ng Aroma, Tondo, ang karamihan na hindi kilala ay nabubuhay lamang nang tahimik, tulad ng Pagninilay sa Mt 1:17 (kapistahan ni San Florian). Binabata ang labis na kahirapan. Ang bawat Pasko ay lumilipas nang walang luha at pagka-awa sa sarili, bagkus kumakayod para may makain. May nakakain (God provides).
Hindi kailangan ang handa, basta may makakain lang, o isang msarap na ulam para sa okasyon. Huwag nang maghanda; nauubos din yan, ang kanilang pakli. Ang Pasko ay isang araw lang, di tulad ng siyaman sa Santo Nino at Nazareno. Walang Simbang Gabi, dahil oras ito ng pangangalakal ng basura at pamumulot ng gulay sa Divisoria.
Tulad ng Hudyong Jesus na naglaboy sa Palestina, ang mga taga-Aroma ay “nagkita-kita sa paraisong” katabi at kasalo ang malalaking daga, walang estado sa buhay, walang pinag-aralan, walang real estate, naliligo kapag dumayo sa tubig o umulan nang malakas at tumulo ang bubong. Di nila itinuturing ang kahirapan na parusa ng Diyos, kundi dulot ng mga ganid na negosyante sa Divisoria at pandidiri sa kanila ng mga senador, kongresista at maging si Duterte.
Maging si Catriona Gray ay di sila dinadalaw, kundi ang isang “nakaririwasang” bahagi ng Tondo, na sineserbisyuhan na ng mga pari’t layko ng Santo Nino de Tondo (kumusta, Fr. Bobby de la Cruz, exorcist). Mga bata lang ang kalinga ni Cat, pero di naman nagdaramdam ang mga taga-Aroma. Ang mga bata sa Aroma ay naghahanapbuhay at di umaasa, lalo na sa politiko.
Tulad ng sa sabsaban, meron ding mga magnanakaw sa Aroma. Ayon kina JR at RJ (di tunay na mga pangalan), nagnanakaw lamang sila para gumanti sa mga magnanakaw; na siyang ginawa ng mga pastol sa Bethlehem. Kapag nanakawan ng tupa, babawi sila para makumpleto ang tupa. Kapag kumpleto na ang tupa, hinto na ang nakawan. Taliwas sa mga politiko sa Batasan at Senado. Daan-daang milyon at di humihinto.
Walang halaga sa mga politiko ang buhay ng mga taga-Aroma. Wala silang halaga kaya sila’y basahan o trapo. Kung sa mga naka-condo sa Divisoria, doormat ang mga taga-Aroma: ipapagpag kapag nanggitata at muli na naman iwanan ng dumi ng maruming paa. Marami na rin silang binanggit na Merry Christmas. Sa bawat banggit ay sinasagot ng “patawad” o “patawad po.” Aksaya lang ng laway ang Merry Christmas.
Niloloko tayo nina Bam, Imee at JV. Kailanman hindi malalansag ang political dynasty, taliwas sa sinasabi nila. Mahigit 90 ang pinakamayamang pamilya sa bansa at nabili na nila ang politika. Dahil diyan, di matatapos ang kahirapan, na tinuldukan na ng maraming bansa simula 2015, kabilang ang ilan sa ASEAN. Pederalismo? Cha-cha? Ngawngaw lang yan.
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Poblacion, Pulilan, Bulacan): Sensitibong talakayin sa umpukan ng senior citizens ang paghahanda sa kamatayan. Iilan lamang ang handa at karamihan ay takot. Kung may tutol, wala rin silang magagawa dahil nasa departure lounge na sila. Ang gawin: maging handa sa kamatayan, na sa Ingles ay rehearsal. Kung may pera, di problema ang pagyao sa Bulacan. May rock, jazz at videoke burol. Kung matatakaw ang naglalamay, di problema sa caterer. Rehearsal o plan burol?
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Santa Rita Bata, San Miguel, Bulacan): Di apektado ang mga Katoliko rito sa sunud-sunod na sex scandal na kinasangkutan ng mga pari. Sa batas ng tao, matagal na paglilitis at baka maabsuwelto pa. Sa batas ng Diyos, walang paglilitis at may commitment order agad sa impiyerno.
PANALANGIN: Diyos, huwag kang lumayo. Sal 71:12
MULA sa bayan (0916-5401958): Sinong nagbabayad sa Manila media para sirain si Pulong? …5643, 35D, Pob, Davao City
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.