Tenk yu, tenk yu ang babait ninyo

MARAMING na-lasheng, ngunit mas marami ang nasiyahan sa kauna-unahang Christmas party ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club (NPC) sa Intramuros, Maynila.
Bagamat maraming mga last-minute na mga suliranin (kinulang ang baso, kutsara, tinidor at plato, nyahahaha) nagpakita ng gilas ang mga manunulat sa sports sa larangan ng pag-awit (si Nympha Ang ang numero uno) at pagsayaw (si Clyde Mariano ang wagi). Walang katapusan ang saya.
Hayaan niyong pasalamatan ng Peks Man ang mga tao at grupong hindi nagdalawang-isip na tumulong. ‘‘Pledge’’ ang iba ngunit sabi nga ng kanta, My Pledge of Love cannot be Broken.’’
Tenk you kay Senator Migz Zubiri, former Senator Nikki Coseteng, Senatorial candidate Bong Go, PSC Chairman William Ramirez, dating PSC chairman Eric Buhain, DENR Undersecretary Benny Antiporda, PSC Commissioners Arnold Agustin, Charles Raymond Maxey, Ramon Fernandez at Celia Kiram, PBA Commissioner Willie Marcial, GAB chairman Abraham Kahlil ‘‘Baham’’ Mitra, Lando Luzong, Paolo Diaz ng Solar Sports, Northport coach Bonnie Tan at Pido Jarencio, coach Beaujing Acot, Len Gregorio, San Miguel Corporation,
MPBL, Mojdeh family, NPC vice president Paul Guiterrez, secretary Lydia Bueno at ang walang kapaguran at nararapat maging kinatawan 5th district ng Maynila na si Ali Atienza.
Salamat din sa mga katrabaho natin na naki-party sa TOPS.
Paalala: Magkakaroon ng Christmas break ang lingguhang Usapang Sports forum ng TOPS na ginaganap tuwing Huwebes ng umaga sa NPC. Magpapatuloy ito sa Enero.
Tsikiting motocross

HINDI lang malaki, kundi napakalaking bagay ang ginagawa ng Mx Messiah Fairgrounds Academy sa pangunguna ni Pastor at dating Shell-Yamaha rider Samuel Mark Tamayo ang kanilang ginawang MMF Academy Mini Moto Olympics Mini Moto Olympics sa Taytay, Rizal.
Dapat ring banggitin na sa ilalim ng kumpas ni Tamayo ay maraming batang suportado ng kani-kanilang mga magulang ang natutuong gumamit sa tama at ligtas na pamamaraan ng mga motorsiklo.
Dahil sa MMF Academy ay natitiyak ang paglago ng motorsport taglay ang patuloy na pagtaas ng antas ng isport na hindi para sa mahihinang loob.
May tatlong yugto ang bakbakan na pinanood ng mga miron na aliw na aliw matapos makita ang mga batang riders mula sa edad na lima pababa at pataas.
Pinakaimpresibo ang panalo ni David Xander Viterbo sa 85cc open class (14 and below). Pumangalawa kay Viterbo ang pambato ng Bulacan na si Wenson Reyes samantalang pumangatlo si Lieyton Felizar.
“Nagpapasalamat ako kay God. Sa buong series, motocross training, bike, discipline at more practice talaga. Discipline is the best at kung wala kang discipline di ka magiging succesful. Kung matakaw ka sa pag-champion, kailangan talaga ng discipline,” ika ng manlalarong tinawag na ‘‘Viturbo’’ dahil sa kanyang likas na bilis sa race track.
Maalala na pumwesto din ng second overall si Viterbo sa Malaysia at kumarera sa Asian Junior MX85 class sa FIM Asian Motocross noong Abril.
Hindi naman umuwing luhaan si Reyes na siyang overall champion sa 85cc open (12 to 13 years old). Numero uno rin si Asher Tamayo sa 85cc open (11 and below) at Dylan Brice Fabian ng 50cc open (5 and below) at Yamaha PW50 (5 and below).
Umuwing masaya rin si Carl Celestino na dinomina ang 65cc open 12 and below at and 11 and below class. Ipinamalas din niya ang kanyang husay sa at Yamaha PW50 skills challenge (12 and below).
Napagwagian ni Joshua Tamayo ang dalawang kategorya ng 50cc (9 and below at ang 7 and below) habang si Ivan Del Rosario naman ang sa Yamaha PW50 skills challenge sa 7 and below at 5 and below.
Hindi din nagpahuli ang mga kababaihan sa pabilisan. Nasungkit ni Quiana Reyes ang overall ladies class, Rihanna Villacorta sa 65cc (9 and below) at Yamaha PW50 skills challenge overall winner ng 9 and below class si Shia Del Rosario.
Si Quiana ay ate ni Wenson.
Hinakot naman ni Dylan Liwanag ang First timers Open (10 and below) at First timers Yamaha PW50 (8 and below) habang wagi din is Austine Go sa 6 and below at si Axel Nocom sa Yamaha PW50 (7 and below). Nakatutuwang isipin na bagamat kulang sa mga isponsor (suportado ng ShellAdvance/Yamaha, CoffeeGrounds, RichbianTaxi, FoxMxPh, HANC,AliasMikaMetals at BestTaytay) nananatiling buo ang loob ni Tamayo na ipagpatuloy ang Mini Moto Olympics.
At bakit nga naman hindi. Naniniwala si Tamayo na hindi pinababayaan ng Poong Maykapal ang MMF Academy. Tunay na wala na ngang mas hihigit pa kung nasa likod ng lahat ang Diyos.
Sa bawat kilos, palaging sinasabi ni Pastor Sam, ‘‘TO GOD BE THE GLORY.’’
Buhay at ligtas ang motocross.

Read more...