BAGO ipinatupad ang P10 minimum na pasahe ay naging mahigpit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pagpapatupad ng polisiya nito na hindi pwedeng maningil ang mga driver na hindi pa nakakakuha ng fare matrix.
Kaya lang hindi pa nga nakakakuha ng fare matrix ang lahat ng lehitimong operator ay lumabas na ang desisyon ng LTFRB na muling ibinabalik sa P9 ang minimum na pasahe.
Bad trip ang mga driver na nagbayad ng mahigit P600 sa pagkuha ng fare matrix.
Mabilis ang pagpapatupad kapag ibinababa ang pasahe. Hindi na kailangan ng bagong fare matrix. Kinabukasan ay ipinatupad agad ito ng LTFRB.
Kaya lang mayroong mga pasahero na umaangal dahil ilang linggo na mula ng ipatupad ang rollback sa pasahe ay meron pa ring mga driver na hindi nagsusukli kapag nagbayad ka ng P10.
Meron ding mga driver na parang nagbibingi-bingihan kapag nanghihingi ng P1 ang pasahero. May mga pasahero naman na ayaw ng mangulit sa driver at ginagawa nalang pamasko sa driver ang P1.
Ang saya-saya ng Pasko ng mga Pinoy sa pagkapanalo ni Catriona Gray sa Miss Universe.
Siya ang ika-apat na Miss Universe ng Pilipinas.
Sabi ng isang babae, kahit paano ay may naramdaman siyang galak sa kanyang puso na nagdurugo na sa mahal ng mga bilihin.
Habang naghihintay sa announcement kung sino ang nanalo sa Miss Universe noong Lunes, mayroon mga tao na literal na nakanganga.
Mayroong feeding program sa Quezon City ang isang sangay ng gobyerno para sa mga pinagdadadampot na mga palaboy.
Agahan ang ipapakain kaya lugaw ang handa. Kaya lang namuti na ang mga mata ng palaboy ay hindi na nagsisimula ang pakain.
Kaya pala, wala pa ang mga naggagandahang dilag na panauhing pandangal sa feeding program.
Nagmukha tuloy hindi talaga tumulong sa mga palaboy ang intensyon ng feeding program kundi ang magpa-pogi.
Mayroong request ang mga CAFGU na katuwang ng Armed Forces sa mga liblib na lugar.
Baka pwede raw ipasok na lang sa ATM ang kanilang allowance. Nagtatanong din sila tungkol sa mga deductions na ikinakaltas sa kanilang maliit na allowance, marami raw kaya konti na lang ang natitira para sa kanilang pamilya.
Baka rin daw pwedeng dagdagan ni Pangulong Duterte ang kanilang allowance tutol tumutulong sila sa gobyerno sa paglaban sa rebelde.