133 tumba sa spaghetti sa Christmas party

UMABOT sa 133 katao, karamiha’y estudyante, ang naospital matapos diumanong malason sa pagkain sa Christmas party ng isang pampublikong paaralan sa Lianga, Surigao del Sur, kinumpirma ng pulisya Martes.

Marami sa kanila’y 5 hanggang 10 anyos, at nasa grades 1 hanggang 6 sa St. Christine Elementary School, sabi ni PO2 Anjon Bandoy, police-community relations officer ng Lianga Police.

Sa mga naospital, 28 ang na-confine matapos dumanas ng bahagya hanggang sa matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae, habang ang iba pa’y agad na-rehydrate, aniya.

Nagsimulang makaramdam ng mga ganoong sintomas ang mga estudyante dakong alas-10 ng umaga Biyernes, sa kasagsagan ng Christmas party sa paaralang nasa Brgy. St. Christine.

“Allegedly, na-food poison ‘yung mga bata, nagpa-cater kasi ‘yung school, spaghetti ‘yung suspected nilang pinagmulan. Mayroong mga batang naapektuhan, mayroon din namang hindi,” sabi ni Bandoy nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.

Iniimbestigahan na ang insidente, at nagtayo ng incident command system sa Lianga District Hospital para mapangasiwaan ang pagsisiyasat.

“Ongoing po ang aming investigation, pinapa-check na sa ospital ‘yung pagkain, tapos may mga follow-up. Kinuha na rin po ang sample at ingredients nitong kinain nila,” ani Bandoy. 

Read more...