SUGATAN ang tatlong pulis at isang sibilyan nang salakayin ng mga kasapi ng New People’s Army ang istasyon ng pulisya sa Magallanes, Sorsogon, Lunes ng gabi.
Naganap ang pag-atake ilang araw lang matapos atasan ng pamunuan ng National Police ang mga alagad ng batas sa iba-ibang bahagi ng bansa na maghanda, dahil sa utos ng Communist Party of the Philippines sa NPA na magsagawa ng opensiba laban sa mga tropa ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nasugatan sa pag-atake sina PO1 Rolan Geul, PO1 Sonny Son Estera, at PO1 Melvin Bartolata, pawang mga miyembro ng Magallanes Police, sabi ni Supt. Alejandro Monge, tagapagsalita ng Sorosogon provincial police.
Sugatan din ang sibilyang kilala lang sa tawag na “Luigi,” na pinaniniwalaang may diperensiya sa pag-iisip at kadalasa’y gumagala sa bayan.
Tinamaan siya ng bala ng mga rebelde sa batok at unang napaulat na nasawi, ngunit sa huli’y nakumpirmang nakaligtas matapos lunasan sa ospital, ani Monge.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30, sa Brgy. Poblacion.
Pumuwesto sa harap at likod ng istasyon ang aabot sa 16 rebelde, bago nagpaulan ng bala, ani Monge.
Gumanti ang mga miyembro ng Magallanes Police, at tumagal nang halos 10 minuto ang palitan ng putok, bago umatras ang mga rebelde patungo sa direksyon ng Brgy. Banacud, aniya.
Dinala ang mga sugatang pulis sa isang lokal na ospital at pagdaka’y nilipat sa isa pang pagamutan sa Sorsogon City, kung saan napaulat na malayo na sa panganib ang kanilang lagay, ani Monge.
Hinihikayat ng provincial police ang mga residente na maging mapagmasid laban sa mga rebelde at iulat ang presensya ng mga ito sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya, aniya pa.