Sinabi ni Andaya na mayroong mayor mula sa Region 5 ang nakipag-usap sa kanya at sinabi na mayroong ipinaradang P300 milyon para sa flood-mitigation projects sa rehiyon.
“Anytime ire-release na raw ang pondo. Nag site visitation na,” ani Andaya.
May mga opisyal umano sa lokal na pamahalaan ang nais na makipag-usap kay Andaya kaugnay ng “fund parking scam”.
“Lumapit sa akin ang mayor dahil ngayon lang daw nila naiintindihan ang mga nangyayari. Pumayag sila sa parking scheme dahil para rin naman daw sa benepisyo ng mga constituents ang mga proyekto. Nililinaw lang nila na hindi daw sila kumita sa mga proyektong ito.”
Magsasagawa ng imbestigasyon ang House committee on rules kaugnay ng anomalya sa paggamit ng pondo ng gobyerno sa Enero 3.
“We will include these allegations in our investigation. The parking scheme, facilitated by the DBM (Department of Budget and Management), may eventually explain the huge spike allocated to flood mitigation projects from 2017 to 2018.”
Mula sa P79 milyon noong 2017, lumobo sa P133 bilyon ang pondo para sa flood mitigation projects ngayong taon.
“Ayon sa isang report, sa Region 5 pa lang, halos P2.2 billion ang nadagdag sa national projects na flood-related mula 2017 hanggang 2018.”
Sa isasagawang imbestigasyon ay tutukuyin din kung magkano ang napunta sa CT Leoncio at sa Aremar Constuction na umano’y pinapaborang contractor ng isang opisyal sa DBM.
Ang hinihingi ng Department of Public Works and Highways na pondo sa 2019 ay P488 bilyon pero ang ibinigay ng DBM ay P544.5 bilyon.
Sa naturang halaga P114.4 bilyon ang para sa flood control projects. “Marami sa flood control projects hindi kasama sa P488 billion na original proposed budget ng DPWH. Idinagdag ito sa level ng DBM na…..Ang idinagdag ba, para sa flagship Build, Build, Build projects? Hindi. Mukhang marami sa flood control, na hindi alam ng DPWH central office. Clueless sila.”