Kilalang grupo sa showbiz na nangaroling kay kilalang aktor nawindang sa laman ng ibinigay na sobre

PASKO na nga! Masikip na ang mga kalye, lalo na ang EDSA, isang malaking dusa ang pagbibiyahe dahil sa napakahigpit na trapik. Ilang tulog na lang kasi ay Pasko na.

Sariwang-sariwa pa sa alaala ng isang malaking grupo sa showbiz ang sobrang kakuriputan ng isang kilalang male personality na malakas namang kumita.

Nag-iwan ang tropa ng sulat sa bahay ng aktor na sa ganito at ganu’ng araw at oras ay magka-caroling sila. Inabisuhan naman siya ng grupo tungkol sa pananapatan sa kanyang bahay.

Kuwento ng aming source, “So, sa napagkasunduang araw, e, tumapat na nga sila sa housing authority ng kilalang aktor. Kanta sila nang kanta, masaya ang tropa sa parang pagbi-videoke nilang atake sa pagkanta.

“Hindi nagpakita si ____ (pangalan ng pamosong aktor), wala raw siya, sabi ng kasambahay na nandu’n, basta may iniwan lang daw ang boss nila para sa grupo.

“Kilala sa pagiging kuripot ang tinapatan nilang artista, tanggap na nila ‘yun, pero nawindang pa rin ang tropa. Nu’ng buksan nila ang sobre, malapit na silang mapasigaw nang walang sound!

“Tumataginting na isandaang piso ang laman ng iniwanan niyang sobre. Ipinagpasalamat na rin ng grupo ‘yun, mahirap tumanggi sa biyaya, pero maluka-luka ang grupo sa ibinigay sa kanila ng male personality,” umpisang chika ng aming impormante.

Walang masama sa isandaang piso, pinaghirapang halaga ‘yun ng kilalang lalaking personalidad, pero para sa kanyang estado ay hindi nababagay ang ganu’n kaliit na halaga lang.

“Hindi na nga niya pinapasok sa bahay niya ang mga carolers, dagdag na gastos pa nga naman kung pakakainin niya ang tropa, malaking-malaki na ang natipid niya.

“May mga miyembro naman ng grupo na tawanan lang nang tawanan, hindi na sila nagulat sa iniabot na sobre ng maid-of-cotton ng male personality, ang ikawiwindang daw nila ay kapag malaki ang amount na inilagay niya sa sobre.

“Kilalang-kilala nga sa pagiging kuring ang male personality. Araw-gabi siyang kuripot, hindi na talaga siya pinagbago ng kapalaran pagdating sa pagkakuyom ng mga palad niya. Araw-gabi na niyang ugali ang ganu’n,” pagtatapos ng aming source.

Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, palulusutin n’yo ba sa tungki ng ilong n’yo kung sino ang bumibida sa kuwentong ito, kayo pa?

Read more...