Unang panalo puntirya ng St. Benilde

Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
4 p.m. St. Benilde vs JRU
6 p.m. Arellano vs Mapua
Team Standings: Letran (3-0); San Beda (3-1); Perpetual (2-1); Lyceum (2-1); San Sebastian (2-2); JRU (1-2); Mapua (1-2); Arellano (1-2); Emilio Aguinaldo College (1-3); St. Benilde (0-2)

APAT na koponan na nasa ilalim ng team standings, kabilang ang wala pang panalong College of St. Benilde, ang magtatangka na makakuha ng panalo sa pagpapatuloy ng 89th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan.

Namuro ang Blazers na makatikim ng panalo sa huling laro laban sa Emilio Aguinaldo College Generals ngunit bumigay sila sa huling yugto para tanggapin ang 72-73 pagkatalo at malaglag sa 0-2 kartada.

Naniniwala naman si Blazers coach Gabby Velasco na ang mga leksyon sa kambal na kabiguang natamo ay magpapatikas sa kanyang manlalaro at makakatulong sa kanila sa pagsagupa nila sa Jose Rizal University Heavy Bombers ngayon.

Gayunman, ang JRU ay galing sa 66-69 na pagkatalo sa overtime kontra Letran Knights kaya maging ang Heavy Bombers ay magsusumikap para manalo ngayon.

Read more...