Mojdeh at Dula: Future ng PH swimming

Jasmine Mikaela Mojdeh and Marc Bryan Dula

HUWAG magulat kung patuloy na lalanguyin nina Jasmine Mikaela Mojdeh at Marc Bryan Dula ng Philippine Swimming League (PSL) ang mga medalyang ginto sa loob at labas ng bansa sa 2019.

Ayon kay Joan Mojdeh, regional director ng PSL sa Luzon, patuloy na makikipagtagisan ng galing sina Mojdeh, Dula at mga pambato ng PSL sa iba’t-ibang languyan lalo pang itaas ang kalidad ng mga batang manlalaro.
“Marami ng imbitasyon mula sa iba’t-ibang bansa,” wika ni Mojdeh na nagsabing layon ng PSL ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa swimming.
Dumalo ang mag-inang Mojdeh sa lingguhang Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Kasama ring dumating si coach Alexander Papa ng Susan Papa Swimming Academy at Dula.
Umani ng paghanga sina Mojdeh at Dula kamakailan sa Hamilton Aquatics Long Course Swim Championships sa Dubai, United Arab Emirates.
May pitong ginto at isang pilak si Mojdeh na sinira rin ang pambansang marka (13 and under girls) sa 200m butterfly matapos maorasan ng 2:22.31.
May walong ginto at isang pilak naman si Dula.
Pinasalamatan nina Dula at Mojdeh si dating Asian Gamer na si Susan Papa at ang kanilang mga coach at magulang sa patuloy na pagganda ng kanilang mga marka.
Nagpahayag ng katuwaan si Mojdeh sa nais ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni PSC chairman Butch Ramirez na “Swim for All.’
“I think this ia a good program by the PSC since this will give equal oppurtunity to all talended swimmers,” ani Mojdeh. “Umaasa kami sa PSL sa magagandang pagbabago sa swimming community sa ilalim ni chairman Ramirez.”
Sinabi ni Papa na patuloy ang pagtulong ng PSL sa mahuhusay na batang manlalangoy na balang araw ay dadalhin ang pangalan ng Pilipinas sa SEA Games, Asian Games at maging sa Olympics.
Puntirya ni Mojdeh na sumali sa 2019 SEA Games na gagawin dito bagamat ang tunay niyang pangarap ay makalangoy sa 2024 Paris Olympics.

Read more...