ANG unang pelikulang inilahok ni Direk Yam Laranas sa Metro Manila Film Festival ay ang “Sigaw” (The Echo)” nina Iza Calzado, Jomari Yllana at Richard Gutierrez noong 2004 na nanalo pa ng mga awards (Best Editing, Best Sound Recording at Best Child Performer).
Sa Film Academy Awards noong 2005 ay nakamit ng “Sigaw” ang Best Cinematography (Yam Laranas) at Best Editing (Manet Dayrit).
Nakuha naman ni Iza ang kanyang Best Supporting Actress award sa Gawad Urian noong 2005 kasama si Arnold Reodica para sa Best Sound.
Marami pang awards ang nakuha ng pelikula tulad sa Young Critics Circle, Philippines at Screamfest (2005).
Nakatanggap din si direk Yam ng special award mula sa Brussels International Festival of Fantasy Film (BIFFF) noong 2005.
Kaya ang tanong sa direktor sa nakaraang mediacon ng entry nila sa 2018 MMFF na “Aurora” ay posible kayang maulit sa pelikula ni Anne Curtis ang mga nahakot nilang awards pagkalipas ng 13 years?
Inamin ni direk Yam na may negosasyong nangyayari para sa ilang international film festival ang “Aurora.”
“We’re negotiating with the distributors. We really want sana na dalhin ito sa labas (ng bansa) and ‘yung exposure kasi nito is a universal story, yung survival, ‘yung challenge ng character, pero first and foremost, we want to break it out there because of its quality. Cliché sabihin na proudly Filipino of course we’re proud of that.
“We’re proud that we produced a high quality movie and high standard film. And nakakatuwa kasi even foreigners from Sweden to London to Macedonia (Southeast Europe) are putting in their talents to help us in the music kasi gusto nilang maging part of this film.
“That’s the fun part of it na a Filipino film and foreign talents want to join us in and be part of it. ‘Yun ang nakakatuwa so, we want to bring it out (country),” kuwento ng direktor at producer ng “Aurora.”
Natanong ulit si direk Yam kung okay sa kanyang mapanood ang “Aurora” sa Netflix dahil maraming Pinoy movies na ang napapanood dito tulad ng “OTJ,” “Metro Manila,” “Iloilo,” “Birdshot,” “Heneral Luna,” “Buy Bust” at “Kita Kita.”
“Well, right now any opportunities that will bring us to a bigger audience is always welcome naman. That’s fantastic to happen to any filmmakers to the Philippines,” say ng direktor.
Pawang magaganda ang lahat ng entries sa 2018 MMFF at maraming nagsabing sure hit na ang “Aurora” dahil maraming tao ang gustong manood ng horror tuwing Pasko.
Ang sagot ni direk Yam, “Kasi Metro Manila filmfest kasi is about family. Kapag ang pamilya gustong matuwa parang ang metaphor ko diyan is going to a theme park sama-sama ang pamilya, iba-ibang klaseng experiences.
“Like punta tayo sa rollercoaster, punta tayo sa haunted house, punta tayo sa whatever (matatakot ka), so kanya-kanya sila, it’s a family affair. So ‘yung genre na horror, genre na drama, nandiyan lahat ‘yan,” aniya.
Anyway, base sa full trailer ng “Aurora” na napapanood na sa maraming sinehan ay iisa ang sinasabi ng mga tao, “best picture so far” at “possible best actress for Anne.”
Simula sa Dis. 25 ay mapapanood na ang “Aurora” nationwide mula sa Aliud Entertainment at Viva Films.