Jeepney driver di pa kuntento

HINDI siguro napapansin, o hindi pinapansin, na nakakadagdag din sa bigat ng daloy ng trapiko ang mga pasaway na driver ng UV Express.

Kung saan-saan sumasakay at nagbabagal ng pagmamaneho kahit na wala namang sasakyan sa kanilang unahan sa paghahanap ng pasahero. Kung hihinto minsan ay hindi man lang tumabi.

Naaalala ko noon ang estudyante pa ako, nagsulputan ang mga FX taxi. Nauso kasi noon ang Tamaraw FX na ginawang pamasahero.

Pero napansin ng gobyerno na nakakadulot ang mga ito ng trapik dahil nakikipagkompitensya sila sa mga pampasaherong jeepney sa pagkuha ng pasahero kaya unti-unti ay inalis ang prangkisa na ito.

Ang pumalit ay ang UV Express. Express kasi ang biyahe nila ay dapat terminal hanggang terminal lang.

Walang magbababa at magsasakay sa gitna ng biyahe.

Maikukumpara ito sa mga Point-to-Point buses ngayon na may partikular na lugar kung saan maaaring sumakay at bumaba, hindi hinto ng hinto sa lahat ng kanto.

Pero hindi na ito ang nangyayari ngayon.

Ang mga UV Express ay naging FX taxi na rin. Maraming UV Express na hindi na dumideretso sa kanilang mga terminal at nagka-cutting trip kaya kawawa ang mga pasahero na napipilitang magdalawang sakay at mas lumaki ang gastos sa pamasahe.

Palagay ko ay maraming pasahero naman ang gusto na deretso ang kanilang biyahe kesa pahinto-hinto at baka makapagsakay pa umano ng mga holdaper.

Walong sunod na linggo nang bumaba ang presyo ng diesel. At malaki-laki na rin ang ibinaba ng presyo nito.

Pero hindi umano nangangahulugan na mas mababa na ito o pumantay man lang sa presyo ng diesel noong Disyembre 2017.

Kaya hindi pa rin masaya ang mga driver ng pampasaherong jeepney.

Pangamba nila muli na namang tataas ang presyo ng diesel sa mga susunod na linggo dahil ngayong linggo ay tumaas na ang presyo ng gasolina.

Kung magbabawas ng suplay ang mga bansa na nagbebenta ng krudo ay tiyak umano na tataas nanaman ang presyo nito.

At sa Enero 2019 ay tiyak na ang pagtaas ng halaga ng diesel. Bakit?

Dahil ipatutupad na ang dagdag P2 excise tax sa bawat litro ng diesel—ang ikalawang yugto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion.

Ngayong taon ay P2.50 bawat litro ang ipinataw na excise tax sa diesel kaya sa susunod na buwan ay P4.50 na ito.

Read more...