Trak na kumitil sa 6 na buhay hindi nakarehistro

HINDI nakarehistro ang trak na umararo sa 16 na sasakyan at bumangga sa isang bakery at boarding house na ikinasawi ng anim na katao at ikinasugat ng 14 na iba pa sa Sta. Rosa, Laguna noong Sabado.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Transportation na batay sa datos ng Land Transportation Office hindi nakarehistro noong 2017 at ngayong taon ang 14-wheeler truck.

Ang trak ay mode 2000 at unang inirehistro bilang pampribadong sasakyan noong 2016 at hindi common carrier o truck-for-hire.

“Ang ganitong malalagim na insidente sa kalsada ang dahilan kung bakit masidhing isinusulong ng DOTr, kasama ang LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board, ang truck modernization,” saad ng pahayag ng DoTr.

Sinabi ng DoTr na mahalaga na maging moderno ang mga bumibiyaheng trak upang maiwasan at mabawasan ang mga aksidente sa kalsada bukod pa sa polusyong dulot nito. Plano ng DoTr na i-phase out ang mga trak na 15 taon na.

“Nakalulungkot na ilang grupo ang tumututol sa pagpapatupad ng programa, at nagsagawa pa ng truck holiday nitong Nobyembre,” dagdag pa ng ahensya. “Gayunman, hindi natitibag ang adhikain ng DOTr at ng mga kaugnay nitong ahensya na isulong ang modernisasyon ng ating mga pampublikong sasakyan.”

Nakikiramay ang DoTr sa pamilya ng mga nasawi.

Alas-11:30 ng gabi ng mawalan ng preno ang trak na may dalang mga bakal sa Sta. Rosa-Tagaytay Road sa Sto. Domingo.

Tumakas ang driver ng trak na nakatalon bago bumangga sa bahay ang sasakyan.

Read more...