HINDI nakikialam si Vic Sotto sa lovelife o personal na buhay ng Phenomenal Star na si Maine Mendoza kahit anak-anakan na ang turing niya rito.
Ayon kay Bossing, tatay na ang turing sa kanya ni Maine pero hindi naman daw ibig sabihin nu’n ay may lisensya na siyang panghimasukan ang pribadong buhay nito, lalung-lalo na ang tungkol sa usaping pag-ibig.
Sa presscon ng 2018 MMFF entry nilang “Jack Em Popoy” kasama ang award-winning actor na si Coco Martin, sinabi ni Vic na nakakontrata na sila ni Maine na gumanap bilang mag-ama sa kanilang mga proyekto. Bukod kasi sa kanilang movie at sa Eat Bulaga magkasama rin sila sa Kapuso sitcom na Daddy’s Gurl.
Dito na nga naitanong kung ano ang masasabi niya sa balitang nagkakamabutihan na raw si Maine at ang isa pa nilang co-star sa “Jack Em Popoy” na si Arjo Atayde, “Hindi kami nag-uusap ng personal na bagay-bagay. Ang pag-uusap lang namin usually ay pagdating sa trabaho.
“Kasi ako, personally, I’m a very private person and siya din naman ay ganu’n. Dapat kami ay nagrerespetuhan sa personal naming buhay,” aniya pa. Pero dagdag ni Bossing handa naman daw siyang payuhan si Maine sakaling humingi ito ng advice sa kanya.
Samantala, ipinangako naman ng TV host-comedian na ibang level ng katatawanan ang hatid nila sa “Jack Em Popoy”. Siguradong ikatutuwa ng manonood ang mga paandar nila nina Coco at Maine sa movie na inilarawan niyang kumpletos rekados.
“Ang galing! Nakakatuwa. Mahirap magbuhat ng sariling bangko, e, siguro ang mga manonood, makikita nila ang ibang timpla, na hindi basta timpla, masarap na timpla.
“Nakakatawa, nakakaiyak, nakaka-excite, you have to watch the movie,” proud na sey ni Bossing.
Inamin naman ng Eat Bulaga host na parang kulang ang pagse-celebrate niya ng Pasko kung wala siyang entry sa MMFF, “Oo e. Parang kulang ang buhay ko kapag wala, kulang ang taon pag wala tayong naipapalabas para sa entertainment ng mga manonood ng mga pelikulang Pilipino, lalo na pagdating ng Pasko.
“Kasi marami sa atin, nakakapanoond lang pagdating ng Pasko. Yung mga bata, kapag Pasko lang sila nakakapili kung anong gusto nilang panoorin kaya we made sure na ito ay puwede sa bata, sa teenagers, all ages,” sabi pa ng Bossing ng bayan.
Samantala, natanong din si Vic kung posible bang sila naman ni Vice Ganda ang magsama next year sa MMFF, “Why not? Anything is possible. Noong araw, e, Coco-Vic ay parang… ilang beses naming pinlano, hindi matuluy-tuloy, pero natuloy din. Anything is possible and welcome. The idea is welcome.”