NAAALALA n’yo pa ba ang dating aktres na si Alona Alegre na nakilala bilang isang sex symbol noong dekada 70?
Sumakabilang-buhay na siya kahapon ng madaling-araw sa edad na 70 dahil sa cardiac arrest. Mismong ang kanyang kapatid na si Phillip Salvador ang nagkumpirma ng malungkot na balita.
Kung matatandaan, nakilala si Alona Alegre sa mundo ng showbiz noong 1970s. Ang tunay niyang pangalan ay Maria Lourdes Salvador at anak ng actor-director na si Lou Salvador Sr. sa dati ring aktres na si Inday Jalandoni.
Nagsimula si Alona bilang child star sa pamamagitan ng pelikulang “Tagapag-mana” (1955) mula sa LVN Pictures. Naging leading lady din siya ng mga kilalang artista noon kabilang na ang yumaong Action King na si Fernando Poe Jr.. Nagsama sila sa 1973 movie na “Esteban.”
Ilang mahahalagang eksena sa pelikula ay kinunan sa isang beach resort sa Panglao, Bohol. At dahil madalas ngang mamasyal si Alona sa nasabing lugar habang ginagawa ang “Esteban”, ipinangalan sa kanya ang isang resort doon (Alona Beach) na patuloy pa ring dinarayo ng mga local at foreign tourists.
Ang iba pa niyang nagawang pelikula ay ang “Kung Bakit Dugo Ang Kulay ng Gabi,” “Sa Bawat Pintig ng Puso” at “Hello Lover, Goodbye Friend.”
Nakaburol ang labi ng dating aktres sa Marian Memorial Chapel sa Marcos Highway, Antipolo.