6 patay, 14 sugatan sa pag-araro ng trak sa 19 na sasakyan

ANIM ang patay, kasama ang dalawang bata, samantalang 14 pa ang sugatan matapos na araruhin ng isang trak ang 15 kotse, dalawang tricycle at dalawang motorsiklo bago bumangga sa isang bakery sa Sta. Rosa City, Laguna.

Nangyari ang aksidente ganap na alas-11:30 Sabado ng gabi sa kahabaan ng Sta. Rosa-Tagaytay road sa Barangay, Sto. Domingo, ayon kay Laguna police director Sr. Supt. Eleazar Matta.

Sa isang text message, kinilala ni Matta ang mga biktima na sina Lorelyn Rosel Sumadsad, magkapatid na sina Jerome at Jayson Baluya, isang-anyos na si Quelah Ayesha Velasco, Juvelyn Floresco Delizo at anak na babae na si Ariane Kaye Yllera, 2.

Idinagdag ni Matta na 14 pang iba pa ang sugatan at ginagamot na sa ibat’ ibang ospital.

Sinabi ni Police Officer 3 Daniel Bahiwag, nawalan ng preno ang isang ten-wheeler truck na may lamang metal bearings at mabilis ang takbo nito, dahilan para mabangga ang iba pang sasakyan.

“The truck was too fast. It happened when traffic was slow with people coming from Nuvali,” sabi ni Bahiwag.

Ani Bahiwag, bumangga rin ang trak, na minamaneho ni Anthony Bernardo na mula sa Dasmariñas City, Cavite, sa isang bakery at isa pang establisyemento.

Tulog ang mga biktima sa loob ng bakery o kaya’y naglalakad sa kalsada.

Sinabi ng pulisya na agad na tumakas ang driver ng trak matapos ang aksidente.

Read more...