Ex-vice mayor arestado sa 20-oras na stand off
NADAKIP ang kandidato sa pagka-mayor ng Marilao, Bulacan, matapos niyang magkulong nang 20 oras sa kanyang bahay habang tumatangging magpaaresto sa kasong qualified theft.
Sa una ay binugahan ng tear gas ng Special Weapons and Tactics unit ang silid na pinagtaguan ni dating Vice Mayor Andre Santos, ani Senior Supt. Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan provincial police.
Kasunod nito ay puwersahan nang pinasok ng SWAT ang silid sa ikalawang palapag ng bahay.
Dahil doon ay nagtamo ng mga galos si Santos at dalawa sa mga pulis, bago tuluyang nadakip ang dating bise alkalde alas-4.
Ayon sa police official, isinagawa ang assault bilang “final option” dahil tumanggi pa ring sumuko si Santos sa mga negosasyong pinamunuan nina Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado at Vice Gov. Daniel Fernando.
Unang nagtungo sa bahay ni Santos sa Brgy. Poblacion ang mga tauhan ng Marilao Police alas-8 ng gabi Huwebes, para arestuhin ang alkalde.
Isisilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 195 para sa kasong qualified theft.
Sinabi sa pulisya ng mga kaanak ni Santos na nagkulong siya sa silid, at pinaniniwalaang “emotionally disturbed” at di susuko, kaya sinubukan siyang pasukuin sa pamamagitan ng negosasyon simula pa noong gabi, anang police official.
Armado rin daw ng baril at granada ang dating bise-alkalde, na diumano’y gumagamit pa ng iligal na droga, kaya nagpadala ng SWAT sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.