GMA pang 100 lang sa palakihan ng pork

HINDI umano ang distrito ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang may pinakamalaking alokasyon na nakuha sa ilalim ng panukalang 2019 national budget.

Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., si Arroyo ang pang-100 kung ang pag-uusapan ay ang pinakamalaking pondo na napunta sa distrito.

Sinabi ni Andaya na mukhang siya at si Arroyo ang tinutukoy ni Sen. Panfilo Lacson na may bilyong halaga ng proyekto.

“Diretsuhin na po natin I think the persons referred to are the Speaker and myself na lumalabas na napalaki ng allocation na binigay sa mga distrito. Just to clarify ang allocation ng ating speaker, she’s actually ranked about 100. Around 99 congressmen na mas malaki po ang allocation sa kanilang distrito,” ani Andaya.

Si Andaya ay pang 186 naman umano.

Mayroon umanong distrito na P8 bilyon ang nakalaang pondo pero ayaw itong pangalanan ni Andaya. Kung nahanap umano sa Senado ang P1 bilyon na nakalaan sa distrito ni Arroyo mahahanap din umano ang nakatanggap ng pinakamalaking pondo.

Sinabi ni Andaya na hindi si Arroyo ang humingi ng mga proyekto kundi ang small komite na binuo ng House committee on appropriations.

“Siguro sa kanilang kagandahang loob, sinubuhan nilang ipantay doon sa allocation nila na palagay ko hanggang ngayon mas Malaki pa rin ang alokasyon nila kesa sa ating speaker.” 

Kung meron umanong hindi pagkakaunawaan sa budget ay pag-uusapan ito sa bicameral conference committee meeting ng Senado at Kamara de Representantes.

Si Lacson ay kilalang kritiko ni Arroyo noong siya pa ang pangulo ng bansa.

Read more...