Updated: Bong Revilla inabsuwelto sa plunder
PINAWALANG-SALA ng Sandiganbayan First Division si dating Sen. Ramon Bong Revilla Jr., sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel fund scam.
Pero guilty ang hatol ng korte sa mga kapwa akusado niya na si Atty. Richard Cambe, ang dating aide ng senador, at Janet Lim Napoles ang umano’y pork barrel fund scam queen.
Pero hindi naman nakalaya si Revilla dahil mayroon pa siyang ibang kasong kinakaharap kaugnay ng pork barrel scam. Bailable naman ang mga kasong ito kaya inaasahan na makalalabas na siya matapos na magpiyansa.
Makalalaya na si Revilla matapos ang mahigit apat na taong pagkakakulong.
Si Napoles at Cambe naman ay hinatulan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong.
Nang tanungin ang abugado ni Revilla na si Estelito Mendoza tumanggi ito na agad na magbigay ng komento dahil hindi pa niya nababasa ang buong desisyon.
Justice has been done, freedom has been delayed but Revilla loses freedom for more than four years and time will never be regained that is the tragedy,” ani Mendoza.
Dagdag pa nito: “No sufficient evidence to convict (Revilla) and in my opinion no evidence even to indict.”
Ito ang una sa mga inihaing plunder case na nadesisyunan ng korte kaugnay ng pork barrel fund scam. Hindi pa tapos ang kaso nina dating Sen. Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile na parehong nakalaya matapos na payagang maglagak ng piyansa ng korte.
Inakusahan si Revilla na tumanggap ng P224.5 milyong kickback mula sa mga bogus na non government organization ni Napoles. Mariin itong itinanggi ni Revilla.
Naglabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Revilla noong Hunyo 2014. Agad naman itong sumuko at nakulong sa Philippine National Police Custodial Center.
Hindi siya naghain ng plea ng basahan ng sakdal at dumulog sa Korte Suprema.
Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan ang kanyang mosyon na makapaghain ng piyansa upang makalaya at ibinasura rin ng SC ang kanyang petisyon na ibasura ang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.