Alon, pirata kalaban ng isang marino

VIETNAM — Nakakwentuhan natin ang isang Filipino seafarer na 40 taon na nagbarko bilang isang Chief Engineer.

Kareretiro lamang ni Galo Bustamante, Jr. at naibahagi niya ang napakaraming mga hamon na kinaharap niya sa buong panahon ng kaniyang paglalayag bilang isang marino.

Nabanggit pa niya na walang “machong” marino ang hindi nakaranas ng pagsusuka. Biro pa niya, isa iyon gsa binabayaran sa kanilang mga marino.

Totoo naman. Sa dami ng mga kapitan at opisyal ng barko na nakakuwentuhan na natin, sinasabi nga nilang, kapag tinamaan na sila ng matititinding mga alon at inihahampas ng ang kanilang mga barko, tiyak na tanggal ang pagiging macho nila.

Sabagay, hindi naman sukatan ng pagkalalaki ang hindi pagsusuka. Nangangahulugan lang iyon na taong-tao talaga ang ating mga seafarer. Hindi sila mga robot o de-susing mga makina lamang.

Isa pang ipinanginginig din ng laman ng ating mga marino kung dumadaan na ang kanilang barko sa mga lugar na kilalang pinamumugaran ng mga pirata.

Talagang abot hanggang leeg ang kanilang kaba lalo pa’t tumitindi na naman ang mga napabalitang mga pag-atake ng pirata.

Iyan ang litaw na mga patunay na mahirap talaga ang trabaho ng isang marino. Bago pa man sila sumampa ng barko, inihanda na nila ang kanilang mga sarili hindi lamang sa mga alon sa barko, kundi sa lahat ng panganib na maaari nilang suungin.

Oo hindi rin maitatanggi na malaki ang kanilang mga suweldo, ngunit sulit lamang iyon sa napakalaki din ng kanilang itinataya, ang mismong buhay nila.

Pero hindi rin maaaring buhay nila ang dapat na maging katapat ng kanilang pag-tatrabaho, dahil wala namang katumbas o kapalit ang buhay ng isang tao. Kapag naiwala niya iyon, wala nang maibabalik pa.

Gayong maingat din naman ang ating mga seafarer pag dating sa bagay na yan, pero hindi rin maiiwasan ang mga hindi inaaasahang sakuna o aksidente na maaaring magbubuwis ng kanilang mga buhay.

Pati ang pamilya, tiyak na pinaghahandaan din ito!

Read more...