ITINALAGA ngayong linggo lamang ang kaibigan kong si Bong Nebrija bilang pinuno ng Task Force EDSA para ayusin ang kahindik-hindik na trapiko sa lansangang ito.
Sa aking interview kay Nebrija, ang una niyang nasambit na mga kataga ay “God help us all,” na tila ba tanging isang himala na lamang ang lulutas sa trapik sa EDSA.
Sa totoo lang, kung ang hinahanap natin ay agarang solusyon sa trapiko sa EDSA, siguradong isang himala ang hinahanap natin. Dahil ang problema ng EDSA ay problemang nabuo bunga ng kapabayaan at kalokohan ng mga nakaraang administrasyon.
Kapabayaan dahil ang pagkuha ng liseniya sa bansa ay parang bumibili lamang ng suka sa tindahan sa kanto na wala man lang konsiderasyon kung talagang marunong magmaneho ang kumukha ng lisensiya.
Sa totoo lang, noong araw, sa isang eksperimento ng isang TV station, mistulang isang bulag ay nakakuha ng driver’s license. Ito ay dahil hindi sineseryoso ng mga nakaraang pinuno ng Land Transportation Office ang kahalagahan ng maayos na edukasyon sa pagmamaneho o trapiko.
Hindi nila naisip na ang pagmamaneho ay hindi lamang usapin kung marunng magpatakbo ng sasakyan kundi ang pag-aralan at sundin ang mga batas habang bumabaybay sa kalye.
Ang resulta nito ay ang may mahigit 10,000 katao ang namatay ngayong taon lamang dahil sa mga banggaan at crashes sa lansangan.
Sa Pilipinas, ika-anim sa pinakamalaking dahilan ng pagkamatay ng isang tao ang car crash.
Maging ang imprastraktura sa EDSA ay mali. Dito ka lamang makakakita ng linya ng paakyat sa flyover na nasa kaliwa, may daanan ng sasakyan sa ilalim ng MRT, nawawalang lanes at U-Turn na 100 metro lang ang layo sa isinarang intersection.
Kahit papaano mo silipin, hindi inayos ng diretsong daloy ang mga infrastructure sa EDSA kundi parang obstacle course na pagewang-gewang.
Nandyan pa ang mga traffic enforcer na ang trabaho ay, kung hindi kumaway-kaway na para bang bibilis ang daloy ng traffic, ay naka-abang sa kanto para may mahuli. Ito ang akala nilang trabaho nila imbes na tukuyin ang problema ng trapiko at aysuin ang buhol nito.
Kung kalokohan naman ang paguusapan, sa dami ng mga traffic experiments na ginawa ang mga nakaraang administrasyon ng MMDA, ang EDSA ngayon ay mukhang papel ng Grade 3 na ang daming marka na binura at pininturahan ulit dahil lito ang gumagawa.
Totoong nakakaawa ang sitwasyon na daratnan ni Nebrija. Pero kilala ko siya; di siya basta sumusuko. Sana nga siya na ang makapagsimula ng pag-ayos sa trapiko sa EDSA.