Ngayon na mismo ang araw na pinakahihintay ng mga loyalista ni dating Senador Bong Revilla. Ngayon na babasahin ng Sandiganbayan ang paghusga sa kanya sa kasong plunder na apat na taon at kalahati na niyang pinagdudusahan sa PNP Custodial Center.
Nagdarasal ang kanyang pamilya, mga kaibigan at tagasuporta na harinawang ito na ang araw na itinakda para sa paglaya ng aktor-pulitiko. Hindi biro ang apat na taon at kalahating pananatili sa kulungan.
Sana nga ay matanggap na ni Senador Bong ang pinakamahalagang regalo para sa kanya ngayong Kapaskuhan—ang kalayaan.
Wala nang mas hihigit pang materyal na bagay na tatapat sa walang presyong kalayaan ‘Yun ang dasal at hiling ng mga nagmamahal-nagmamalasakit kay Senador Bong.
Wala nang kulang sa imbestigasyon. Ang mismong mga saksi ng prosekusyon ay nagbaligtaran na at pumanig sa aktor-pulitiko sa paninindigan na wala siyang kinalaman sa mga bintang na ipinukol laban sa kanya.
Sa kanyang paglaya ay tuloy ang laban ni Senador Bong, kung ‘yun ang babasahing desisyon ng Sandiganbayan, tatakbo uli siyang senador sa darating na halalan.
Dinggin sana ng lahat ng mga panalangin na iniaalay kay Senador Bong Revilla ng mga naniniwalang wala siyang dapat panagutan sa kasong plunder.
Kalayaan para kay Senador Bong ang sigaw ng mga kapamilya at kaibigan niya na mula nu’n hanggang ngayon ay nananatiling tapat sa kanya.