NAAALALA ni Dingdong Dantes ang kanyang kabataan kapag nakikita at nakakausap ang tatlong pambatong Kapamilya loveteams na kasama nila sa pelikulang “Fantastica”.
Ang tinutukoy ni Dingdong ay sina Maymay Entrata at Edward Barber, Donny Pangilinan at Kisses Delavin, Ronnie Alonte at Loisa Andalio.
“Personally, natutuwa ako kapag napapanood ko iyong tatlong love teams habang nagtatrabaho kami, kung gaano sila ka-close sa isa’t isa,” kuwento ng Kapuso Primetime King sa nakaraang presscon ng “Fantastica”, ang official entry ng Star Cinema at Viva Films sa 2018 MMFF.
“Kasi siyempre, naalala ko noong bata ako, di ba, na sa loveteam din nag-umpisa. Nakakatuwa how they are towards each other, and how they are sa mga tao sa paligid nila. Nakakakuwentuhan namin.”
Ayon pa kay Dingdong, espesyal para sa kanya ang “Fantastica” dahil first time niyang makakasama sa pelikula sina Vice Ganda at Richard Gutierrez plus reunion pa nila ng award-winning actress na si Jaclyn Jose, “So, tama nga, e. Hindi siya porke Kapuso, Kapamilya, Kapatid, basta para sa Pasko, ibibigay namin lahat para sa lahat ng audience.”
Iikot ang kwento ng “Fantastica” kay Bellat (Vice) na nagnanais buhaying muli ang kanilang perya, ang “Perya Wurtzbach,” upang maisalba ito sa pagkalugi. Ang perya ay nagsisilbi rin niyang tahanan kasama ang inang si Fec (Jaclyn), at mga itinuring na kapatid na sina Daks (Ronnie), Pepe (Edward) at Junjun (Donny).
Ngunit dahil sa mga utang, tataningan ni Dong Nam (Dingdong), na dating matalik na kaibigan ni Bellat, ang kanilang pananatili sa lupain kung saan nakatayo ang perya, hanggang sa dumating ang dating kaibigan na si Prince Pryce (Richard).
Hihingi ito ng tulong para hanapin ang mga nawawalang prinsesa mula sa kanilang lugar, ang “Fantastica,” kapalit nang pagtulong nitong buhaying muli ang perya. Ang mga prinsesa ay sina Rapunselya (Loisa), Maulan (Maymay) at Ariella (Kisses).
Sa kanilang paghahanda sa pagbalik sa “Fantastica,” matutuklasan ng bawat isa na kailangang mabuksan ang lagusan at magagawa ito sa pamamagitan ng paglikom ng sampung libong “palakhak” (palakpak at halakhak).
Malilikom ang mga “palakhak” sa pamamagitan ng pagpapalabas ng “The Perfect Show” kung saan minsang nakilala ang “Perya Wurtzbach.”
Magagawa kaya ito ni Bellat kasama ng pamilya at mga kaibigan para maisalba ang perya na tinatawag nilang “happiest place on Earth?” The universe rather!
Showing na ang “Fantastica” sa Pasko, Dec. 25 sa mga sinehan sa buong bansa.