PURING-PURI ni Dennis Trillo ang leading lady nila ni JC de Vera sa pelikulang “One Grate Love” na si Kim Chiu.
First time makatrabaho ni Dennis si Kim sa pelikula at kasali pa sa 2018 Metro Manila Film Festival kaya espesyal daw ang proyektong ito para sa kanya. Aniya, napaka-professional ng Kapamilya actress at walang kaarte-arte.
“Walang problema katrabaho, eh. Very giving na artista kaya kapag kaeksena mo siya hindi ka mahihirapan mag-emote kasi madadala ka sa performance niya. Hindi mo makikita yung Kim Chiu, makikita mo yung Zyra (karakter ng dalaga) sa pelikula na yun.
“So ganu’n yung naramdaman ko kaya hindi na ako nagkaroon ng problema na gawin yung kahit anong eksena kasi nakikita ko siya bilang Zyra sa script. Sobrang versatile niya na artista,” kuwento ni Dennis sa nakaraang presscon ng “One Great Love”, ang official entry ng Regal Entertainment sa taunang filmfest na idinirek ni Eric Quizon.
Dagdag pa ng Kapuso Drama King, “Nakita namin ‘yung dedication niya sa shooting, kahit na pagkatapos ng shooting talagang nagbabantay siya sa editing, inaalam niya kung ano yung magandang soundtrack na gagamitin. Daig pa niya yung producer kaya sobrang saya namin na talagang tutok siya and ganu’n siya ka-involved ito sa pelikulang ito.
“Nakita ko yung mga projects na ginawa niya noon. Parang pinipili niya iba-iba palagi so this time iba na naman yung makikita niyo na kaya niyang i-offer. Kailangan niyo mapanuod yung performance niya eito,” aniya pa.
Nagustuhan din daw ng binata ang pagiging game ni Kim sa mga maiinit at daring na mga eksena,
“Siyempre sobrang suwerte namin ni JC na nagkaroon kami ng isang Kim Chiu na nakatrabaho dahil wala siyang arte. Kung ano yung kailangan sa eksena gagawin niya and then dadagdagan niya pa para mas lalo kaming ma-impress.
“So, masuwerte kami na nagkaroon kami ng ganun ka-involved na co-star para mas pagandahin pa lalo yung project na ginagawa namin. Sa eksena na ‘yun, actually nung una pareho talaga kaming kinakabahan. Pero habang pinag-uusapan namin kung ano yung gagawin parang mas nagiging kumportable kami sa isa’t isa and siyempre with the guidance of direk Eric, naitawid namin nang maayos at very artistic ang pagkakagawa,” ani Dennis.
Bukod kina Kim, Dennis at JC, kasama rin sa “One Great Love” sina Miles Ocampo, Marlo Mortel at Nina Dolino. Showing na ito sa Pasko, Dec. 25.