Dimple Star bus hindi na makakabiyahe

KINANSELA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang prangkisa ng 11 bus ng Dimple Star company dahil sa mga kinasangkutan nitong aksidente na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng mga pasahero.

Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra III nagsagawa ng deliberasyon ang ahensya kung saan napag-usapan ang pagkahulog ng bus ng Dimple Star sa isang bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro noong Marso 20 kung saan 19 katao ang nasawi at 21 ang nasugatan.

“We are cancelling the franchise of the entire fleet of Dimple Star because of repetitive recklessness in their transport service. One death is already one too many,” ani Delgra.

Iginiit ni Delgra ang kahalagahan na ipaalam ng mga bus company sa kanilang mga driver na nasa kamay nito ang buhay ng mga pasahero kaya kailangan ang ibayong pag-iingat.

Binisita ni Pangulong Duterte ang crash site at inutusan ang LTFRB na patawan ng parusa ang kompanya at suriing mabuti ang road worthiness ng mga bus nito.

Nauna ng pinatawan ng 30-araw na preventive suspension order ng LTFRB ang Dimple Star na biyaheng Occidental Mindoro. Makalipas ang ilang araw ay tuluyan ng sinuspendi ng LTFRB ang 11 prangkisa ng Dimple Star na mayroong 118 bus.

Mula 2011 hanggang ngayong taon, nasangkot ang mga bus ng Dimple Star sa walong aksidente kung saan 25 katao ang nasawi at 134 ang nasugatan.

Read more...