ISANG araw ay magtatapos na sa pagiging piloto si Gerald Sibayan. Nagsusunog siya ng kilay ngayon sa kursong matagal na niyang pangarap kunin pero maaga siyang inagaw ng mundo ng badminton.
Iniwanan niya muna ang paghawak ng mga teams na siya ang nagtuturo at nagko-coach, gusto niya talagang magtapos ng aeronautics, para ang pagiging piloto na matagal na niyang pinapangarap ay matupad.
Tuwang-tuwa si Ai Ai delas Alas sa disiplinang matagal na nitong nakikita kay Gerald. Kahit nu’ng nasa kolehiyo pa lang ang kanyang mister ay sinasaluduhan na ng Comedy Queen ang pagiging matiyaga ni Gerald sa paggising nang madaling-araw para hindi ma-late sa klase niya sa La Salle.
Kapag nakabili na raw ng eroplano si Ai Ai ay si Gerald ang gusto nitong magpiloto sa kanyang mga biyahe. Na dapat lang naman, dahil kilalang-kilala na ng komedyana ang kanyang mister, nasa mabubuting kamay ang kanyang buhay.
Naalala tuloy namin ang kuwento tungkol sa magkakapatid na pasahero ng isang eroplanong nakakaengkuwentro ng turbulence.
Sabi ng isang pasaherong ninenerbiyos na, “Bakit parang okey lang kayo? Bakit parang hindi man lang kayo nakakaramdam ng takot, samantalang kami, e, ninenerbiyos na?”
Ang sabay-sabay na sagot ng magkakapatid na kalmado lang, “Huwag kayong matakot, we will be alright. Your pilot is our dad.”