NASAWI ang 3-anyos na batang lalaki at nasugatan ang kanyang lola’t pinsan, nang mabagsakan ng malaking bato ang kanilang bahay sa Santa Maria, Bulacan, Biyernes ng hapon.
Nahugot ng mga rescuer ang batang si Leonard Dorimon Jr. dakong alas-4 ng umaga Sabado at agad dinala sa ospital, ngunit di na siya umabot nang buhay, sabi ni Senior Supt. Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan provincial police.
Nagpapagaling naman sa pagamutan sina Teresita Auditor, 60, at Andrea Auditor, 3, na kapwa nahugot Biyernes.
Naganap ang insidente dakong alas-3, sa Sitio Gulod, Brgy. San Jose Patag.
Sinabi sa pulisya ni Leonard Dorimon Sr., ama ng nasawi, na naglilinis siya ng motor sa labas ng bahay nang madinig ang tunog na tila mula sa bumagsak na puno.
Nang lingunin ang pinanggalingan ng tunog ay nakita na lang niya na nadaganan na pala ng malaking bato ang bahay, kung saan naroon ang kanyang biyenan, pamangkin, at anak, ani Bersaluna.