MABUTI na lang at hindi bumibigay ang boses ni Regine Velasquez. Mula nang lumundag siya sa bakuran ng ABS-CBN ay wala nang kapahi-pahinga ang kanyang lalamunan.
Araw-gabi na siyang kumakanta, walang kapaguran siyang birit nang birit, nakapag-aalala ang ganito sa Asia’s Songbird dahil minsan na siyang nawalan ng boses bago siya mag-concert.
Iyak siya nang iyak nu’n dahil hindi natuloy ang kanyang show, gustung-gusto niyang kantahan ang lahat ng kanyang mga tagasuporta, pero wala talagang lumalabas na boses niya.
Kuwento ng isang kaibigan ni Regine, “Mahal na mahal niya talaga ang singing. Kahit nga nasa bahay lang siya, e, kanta pa rin siya nang kanta.
“Habang nag-aayos siya sa mga gamit niya, e, kumakanta siya, kapag magkasama sila ni Nate, kumakanta rin siya, paano pa kapag magkasama sila ni Ogie, e, di lalo na?
“Pagkanta ang mundo ni Regs, she really loves to sing, kaya kailangan niyang ingatan ang boses niya. Kung ang makina nga, e, ipinapahinga, ang boses pa kaya?” sabi ng kaibigan ng singer-actress.
Oo nga naman. Kailangang maghinay-hinay si Regine para hindi na maulit ang karanasan niya nu’n na nagpaiyak sa kanya nang mahabang panahon.