Shaina inang mahahawa ng HIV sa ‘MMK’


SA pakikipagsapalaran sa buhay ni Shaina Magdayao bilang si Sheila, malalagay sa panganib ang sariling kalusugan pati na ang kanyang pamilya sa isa na namang episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado ng gabi hosted by Charo Santos.

Magpupursigi sa buhay si Sheila sa ibang bansa at tatayong “bread winner” ng pamilya. Dahil sa labis na pagmamahal sa pamilya, nakalimutan nito ang sarili at hindi na nagkarelasyon.

Makikilala nito ang seaman na si Rey (RK Bagatsing) ngunit hindi nito papansinin ang panunuyo ni Rey dahil sa reputasyon nitong pagiging babaero. Subalit magiging mapaglaro ang tadhana at magkakapalagayan ng loob ang dalawa. Hindi magtatagal ay ikakasal sila at bibiyayaan ng anak na babae, si Lyka.

Isang araw, madidiskubre ni Sheila na may Human Immunodeficiency Virus (HIV) ang anak. Biglang guguho ang mundo nito lalo na nang malaman na nakuha ito ni Lyka kay Rey na nagkaroon ng HIV dahil sa kung kani-kaninong babae sumisiping noong binata pa.

Mas magiging mapait ang mga pangyayari nang malaman ng mag-asawa na meron na ring HIV si Sheila.
Unti-unting manghihina ang pangangatawan ni Rey dahil sa sakit at papanaw. Buong tapang at lakas na itataguyod ni Sheila ang nag-iisang anak sa kabila ng sariling sakit na ipinasa ng yumaong asawa.

Ililihim ni Sheila kay Lyka ang sakit nilang mag-ina sa takot na mahusgahan ng lipunan ang anak.

Lalaking puno ng pagmamahal at pagkalinga si Lyka kasama ang ina hanggang sa malalaman nito na may HIV siya.

Magkakaroon pa ba ng solusyon ang pighating dala ng sakit ng mag-ina? Matatanggap pa ba ng lipunan ang mga may HIV? Sapat ba ang pagmamahal ng isang ina sa anak upang protektahan ito sa mapanghusgang lipunan?

Kasama rin sa MMK episode na ito sina Irma Jana Agoncillo, Belle Mariano, Celine Lim at Yayo Aguila, sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat nina Akeem Jordan del Rosario at Arah Jell Badayos.

Panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK, tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.

Read more...