Ateneo Blue Eagles, UP Fighting Maroons sisimulan ang UAAP Finals duel

Laro Ngayong Sabado (December 1)
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. Ateneo vs UP (Game 1, Finals)

UMPISA na ang labanan ng Katipunan!

Ito ang masasaksihan sa pagsisimula ng salpukan sa pagitan ng Ateneo de Manila University Blue Eagles at University of the Philippines Fighting Maroons sa Game 1 ng UAAP Season 81 men’s basketball best-of-three championship series ngayong Sabado ng hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.Maghaharap ang Diliman-based na Blue Eagles at Fighting Maroons ganap na alas-3:30 ng hapon.

Sumalang ang defending champion Ateneo sa ikatlong sunod na pagtuntong sa UAAP men’s basketball finals matapos patalsikin agad ang Far Eastern University Tamaraws sa kanilang Final Four matchup noong nakaraang Linggo.

Hangad ng galing sa mahabang pahinga na Blue Eagles na madagit ang krusyal na panalo sa Game 1 para makalapit sa inaasam na ikalawang sunod na korona.

Nakabalik naman sa unang pagkakataon magmula noong 1986 sa best-of-three Finals ang UP matapos sibakin sa dalawang laro ang Adamson University Soaring Falcons sa kanilang naging dikdikang semifinals duel.

Liyamado ang Ateneo kontra UP dahil magmumula ito sa pagtala ng seven-game winning streak bago makatuntong sa Finals.

Tinalo rin ng Blue Eagles ang Fighting Maroons ng 27 beses sa 30 paghaharap sa nakalipas na 15 taon ng UAAP.

Lamang man sa karanasan sa pangkampeonatong serye at lalim ng bench, batid ng Blue Eagles na gutom sa titulo ang Fighting Maroons, na nagpamalas din ng never-say-die attitude.

“Ang advantage that we have is ‘yung experience. We’ve been here before. So we’re just trying to use these experiences to counter those pressures,” sabi ni Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga.

Hindi man pinapaboran ang Fighting Maroons na magwagi sa serye, naniniwala naman si UP coach Bo Perasol na ‘puso’ ang magiging susi para mauwi ang kampeonato.

“Count out the numbers now. I think it will be all heart now once you enter into the court,” sabi ni Perasol.

“But make no mistake about it, we’re going for it. Wala sa isip namin ‘yung malakas sila, mahina kami, na we’re happy where we are. No. We’ll be there to compete we are going to be there to win it. I don’t know what the results would be but we will be there with the intention of winning.”
Huli namang tinalo ng Fighting Maroons ang Blue Eagles, 56-52, noong Oktubre 8, 2016 sa Season 79.

Read more...