MAG-ingat at baka madaya na naman. Huwag maniwala sa kanila. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Pag 14:1419; Sal 96 10-13; Lc 21:5-11) sa kapistahan ni San Valeriano, Martes sa ika-34 na linggo ng taon.
Ang amoy ng Pasko ay naglalaho dahil sa mabahong singaw ng politika at Smartmagic, mas angkop bilang Smartswitik, ng Comelec, ang sistema ng bilangan para sa malawakang pandaraya. Ngawngawan muli ang mga politiko. Pero ang walang kibong ngawngawan ng computer ng Comelec ang nakatatakot dahil ito ang magwawagi. Mananaig ang pandaraya sa katotohanan.
Hindi sigalot ng China at US ang mitsa ng gulo, kundi ang malawakang pandaraya sa Mayo. Kasunod ng galit ng taumbayan ay ang pagtatatag ng RevGov para humupa ang lahat. Nakita na natin ang martial law ng mga Ilokano. Susubukan ang disiplina ng Davao?
Bumubuhos ang mga kasong kriminal laban kay Janette Garin. Ayon sa simbahang Katolika, ang buong Nobyembre ay buwan para ipagdasal ang mga kaluluwa. Ipinagdasal ba niya ang kaluluwa ni Chief Justice Renato Corona? Si Garin ay isa sa mga lumagda para ma-impeach si Corona. Hindi ipinagdasal ni Garin ang mga namatay, at mamamatay, sa Dengvaxia dahil di naman daw ang bakuna ang sanhi.
Mahigit 10 taon akong residente ng Pook Amorsolo, Barangay UP Campus, Diliman; ang huling taon ay 1990. Bumaba mula sa bundok ng Dona Remedios Trinidad (ipinangalan sa lola ni Imee Marcos), Bulacan, nitong Nobyembre, wala nang maparkingan sa UP ang apat na gulong. Mabuting na lang at dalawang gulong lang ang sasakyan ko at nakasingit sa maliit na lote ng UP Hotel, para sa pulong sa wika. Mayayaman na pala ang mga komunista, tulad ni Jack Ma.
Walang na-recruit ang komunistang mga prof at estudyante sa Amorsolo, Dagohoy, Palaris, maging sa kalapit na Krus Na Ligas (ang bilihan ng beer ng lasenggong mga prof at estudyante pag malalim na ang gabi) para mamundok at maging NPA. Hindi komunismo ang hangad ng mga residente at obrero sa UP Diliman, kundi ang bukas ng pamilya. Pinarangalan pa nga ni Michael Tan ang tapat na mga kawani ng UP, na di sumama sa komunista.
Si Dona Perpetua (Nana Tua) Molina, asawa ni Ignacio (Tata Atoy) Molina, ng Romblon, Romblon, ay nagsabi noong 1963 na palamura ang Kastilaloy na si Pangulong Manuel Luis Molina Quezon. Sa isang araw, mahigit 50 (100, 150, 200?) ang pagmumura ni Quezon. Hindi pala si Duterte ang palamura, kundi si Quezon. Kung dinadakila si Quezon ngayon, mas dakila pala si Digong dahil minura niya mismo si Obama (sumipsip din si Quezon sa Kano).
Gun ban muli; napakasakit sa responsible and licensed gun owners. Bakit mga drug addict at user lang ang exempted sa gun ban? Mga kidnaper, carnapper at motor-napper, exempted? Naawa ako sa taga-Santo Nino, Balagtas, Bulacan na natangayan ng P90,000 halaga ng mountain bike sa Marilao, pagkatapos tutukan ng baril.
UST (Usaping Senior sa Talakayan, sa Santo Rosario, Malolos City, Bulacan): Marami na raw ang 80-anyos, o higit pa. Mali ang Bloomberg Media Studies dahil wala silang datus sa Pinas. Ang mga pensyonado ng SSS ay 2.4M. Ayon sa tala ng DOH, marami sa edad 30-50 ang namamatay sa sakit (kabilang na ang di man lang naratay sa higaan) at aksidente (6M). Wala bang opisyal na talaan ng mga namamatay? Kung umaabot man ng 80 at 100 ang matatanda, ito’y dahil sa kanilang disiplina sa katawan at di dahil sa kalinga ng gobyerno.
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa San Jose, Bulakan, Bulacan): Walang makapipigil sa nakawan ng maliliit na bagay sa gabi, tulad ng nakalimutang sinampay, bisikleta, bumbilya sa labas, o maging motorsiklo. Bagaman di pa malakihan (maliban sa motorsiklo), ang panlaban ng mamamayang normal at di marahas ay ang pagbabantay. Mapalad ang mga nagbabantay sa gabi (Lk 12:37-38), anang Pagninilay sa Ebanghelyo sa ilang nakalipas na araw ng karaniwang panahon.
PANALANGIN: Banal na hustisya, durugin ang demonyong politiko at Comelec.
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit may shabu na naman? …4391, Bucana, Talomo, Davao City