PASADO na sa ikalawang pagbasa ang panukala na magtataas sa buwis na ipinapataw sa sigarilyo taon-taon.
Ipinasa ang House bill 8677 sa plenaryo ng Kamara de Representantes isang araw matapos itong aprubahan ng komite.
Wala pang isang oras ang isinagawang deliberasyon sa panukala bago ito isinalang sa viva voce voting.
Inaasahang kikita ng dagdag na P2.7 bilyon ang gobyerno sa pagtataas ng buwis na ito.
Sa ilalim ng panukala ang kasalukuyang P35 buwis kada pakete ng sigarilyo ay iaakyat sa P37.50 sa 2019, P40 sa 2020, P42.50 sa 2021, P45 sa 2022. Sa mga susunod na taon ang pagtataas ay magiging apat na porsyento.
Ipatutupad ang pagtataas ng buwis tuwing buwan ng Hulyo.
Ang buwis na makokolekta ay gagamiting pondo para sa Universal Health Care.