HABANG wala pang bagong project si Daniel Padilla ay ang pagiging “stage boyfriend” muna raw ni Kathryn Bernardo ang pagtutuunan niya ng pansin.
Ito ang pabirong sagot ng King of Hearts nang tanungin sa isang panayam kung ano ang susunod niyang proyekto pagkatapos ng teleseryeng La Luna Sangre at ng blockbuster movie nila ni Kathryn na “The Hows Of Us”.
Busy ngayon ang kanyang reel and real girlfriend sa promo ng pelikula nitong “Three Words To Forever” with Sharon Cuneta and Richard Gomez. “Wala pa akong gagawin. ASAP lang tuwing Linggo. Ito ang bagong stage ng buhay ko ngayon, nag-a-ASAP na lang ako, tamang stage boyfriend na lang ako kay Kathryn,” pahayag ni DJ sa interview ng Cinema One News.
Dugtong pa niya, “I love this life, guys. I enjoy it very much. Sa ngayon, pahinga muna ako saka naghihintay pa ako ng project na napi-feel ko na gusto kong gawin. This time suporta muna tayo kay Kathryn at sa bagong ASAP.”
Samantala, si Daniel ang naging special guest sa huling gabi ng “Regine At The Movies” concert na ginanap sa New Frontier Theater sa Cubao, Q.C.. Napanood namin ito kagabi at talaga namang tuwang-tuwa ang audience sa last night ng concert ni Songbird.
Nag-duet sila ni Regine sa kantang “Nothing’s Gonna Stop Us Now” bukod pa sa kanyang solo performance kung saan tilian nang tilian ang kanyang mga fans na sumuporta rin sa last leg ng “Regine At The Movies”. In fairness, tama ang sinabi ng Songbird na mas gumanda pa ang boses ni DJ ngayon dahil nag-mature na ito at punumpuno ng emosyon.
Sa isa pang panayam kay Daniel, sinabi nitong hindi siya nagdalawang-isip na mag-guest sa concert ng Songbird kasabay ng pagpapasalamat sa mga papuri nito sa kanya bilang aktor at singer.
Aniya, natulala raw talaga siya nang magkausap sila ni Regine at sabihin sa kanya nang personal ang paghanga nito sa kanya.
Speaking of “Regine At The Movies”, napuno na naman ng mga beki ang New Frontier Theater last Sunday night na wala pa ring sawang sumusuporta sa nag-iisang Asia’s Songbird.
Hindi naman binigo ni Regine ang lahat ng nanood sa huling gabi ng kanyang concert dahil bigay-todo pa rin ang kanyang pagbirit kahit na medyo napagod sa ikalawang leg ng “Regine At The Movies” last Saturday.
Ilang beses din siyang binigyan ng standing ovation ng audience lalo na ‘yung mga nasa itaas na bahagi ng venue. Isa na nga rito ang pagbirit niya muli sa napakahirap na kantang “Never Enough” (mula sa Hollywood movie na The Greatest Showman).
Inamin ni Regine na natatakot siyang kantahin ito, pero kinanta pa rin niya para sa kanyang mga supporters. At in fairness, naitawid naman ito ng Songbird nang bonggang-bongga at sinundan nga ito ng malakas na tilian at palakpakan mula sa mga manonood.
Agad namang nag-thank you si Regine kay Lord dahil hindi siya sumabit sa production number na ‘yun.
Nagustuhan din namin ang bahagi ng concert kung saan kinanta niya ang theme song ng movie nila Aga Muhlach (Pangako Ikaw Lang, 2011) at ng pelikula nila ni Robin Padilla na “Till I Met You”.