Aiko nagsakripisyo para kay Mayor Jay: Ganu’n talaga pag mahal mo!


WALANG isyu sa mga anak ni Aiko Melendez ang boyfriend niyang mayor sa Subic na si Jay Khonghun.

Barkada ang turingan nina Mayor at lalaki niyang anak na si Andrei (kay Jomari Yllana).

Pero ayon kay Mayor Jay, hindi naman niya inaagawan ng papel ang father nitong si Jomari. Talaga lang daw madali silang naging close ng bagets dahil napa-kabait na bata raw ng anak ni Aiko.

“Ay hindi naman! I’m always here bilang kaibigan niya,” rason ni Mayor Jay nang makausap ng ilang members ng entertainment press na bumisita sa kanila ni Aiko sa White Rock Beach Resort last weekend.

Pero wala pa silang napag-uusapan tungkol sa kasal, “Kapag nangyari, malalaman ninyo, invited kayong lahat,” saad naman ni Aiko.

Isinantabi muna ng aktres ang kanyang political plans next year para sa pagtakbo bilang Vice Governor ng Zambales ng kanyang boyfriend.

“Pag mahal mo ang isang tao walang kahirap-hirap magdesisyon! Mas naniniwala ako na panahon niya ito. Kaya nandoon ang suporta ko,” rason ni Aiks.

Mula nang makarelasyon si Aiko, nakita ni Mayor Jay ang pagtanggap ng mga taga-Zambales sa aktres.

“Pag sumasama siya sa akin, excited ang lahat sa kanya. Happy sila na nandito siya. So naging thankful ako at tanggap siya rito. Ang bait-bait nila sa kanya. Talagang excited ako para sa kanya.

“Gusto kong makilala nila si Aiko gaya ng pagkakakilala ko sa kanya. Mabuting tao at hindi mahirap mahalin!” deklara pa ni Mayor Khonghun.

Anyway, kung suportado ni Aiko ang political career ng boyfriend, mas lalo niyang suportado ang girlfriend sa showbiz career nito.

Excited na nga raw siya para sa 2018 MMFF entry ng girlfriend, ang “Rainbow’s Sunset” mula sa Heaven’s Best Entertainment.

Aside from this, may iba pang mga proyektong gagawin si Aiko sa unang quarter ng 2019 kaya ‘yan ang dapat n’yong abangan. Pero sa ngayon, bukod sa mga anak, priority niya ang samahan si Mayor Jay sa mga ganap nito sa Zambales.

Read more...