May lalaki pa kayang maglakas-loob na manligaw kay KRIS pagkatapos ni JAMES?

Nakabuti para kina James Yap at Kris Aquino ang pinairal na gag order ng husgado. Kung tutuusin ay hindi naman kailangang pigilan ng korte sa pagsasalita ang basketball star, talaga namang wala na itong kibo kahit nu’n pa, pero nakaganda para kay James ang gag order ng husgado.

Imadyinin natin ngayon kung walang ganu’n, ano ang mangyayari kay James, dahil kapag nagsimula nang magsalita si Kris ay para siyang gripong hindi nauubusan ng tulo.

May mga PRO si Kris, puwede rin siyang magpainterbyu sa ibang manunulat para lang mailabas ang kanyang saloobin, pigang-piga sigurado si James kung walang gag order sa kanila ang korte.

Nang makausap namin si Attorney Lorna Kapunan, abogado ni James, ay sinabi nito sa amin na lahat ng napagkasunduan ng magkabilang panig sa huling pagdinig ng kaso ay para sa kapakanan at kabutihan ni Baby James.

Na dapat lang naman, komento namin kay Attorney Kapunan, dahil ngayong may kani-kanyang buhay na sina James at Kris ay ang kinabukasan na lang ng kanilang anak ang mahalaga.

“Everything is for the good of their son,” maigsing komento lang ni Attorney Kapunan. Kahit ang mga abogado nina James at Kris ay kailangang sumunod sa gag order.

May bago nang karelasyon si James ngayon, Italyana ang kanyang girlfriend, si Kris naman ay loveless pa rin dahil ayaw raw ng kanyang mga anak na makipagrelasyon siya.

Si Kris pa? Sinasabi lang niya ngayon ang ganyan dahil wala pa naman talagang nanliligaw sa kanya, sino ba namang lalaki ang maglalakas-loob na manligaw sa aktres-TV host, meron ba?

Pero kapag nakakita na siya ng lalaking makikipagtagisan sa kanyang estado ay siguradong wala nang magagawa ang kanyang mga anak, papasok pa rin siya sa relasyon, may karapatan naman kasing lumigaya rin si Kris.

Sana nga ay magkaroon na siya ng lovelife para hindi na niya binubulabog ang nananahimik na si James Yap. Harinawa.

Read more...