Male celeb sukdulan ang kakuriputan, tissue paper ang inireregalo ‘pag Pasko


DAHIL ilang tulog at gising na lang ay Pasko na, isang gabi ay pinagpistahan sa isang umpukan ng mga taga-showbiz kung anu-anong regalo ang tinanggap nila mula sa mga artista na hindi kalimut-limot.

Maraming binanggit ang grupo, pero ang pinaka na lang ang ikukuwento ng aming source. Ang aktor na bumibida sa kuwento ay isang dating teenstar na may ka-loveteam na aktibo pa rin ngayon.

Kuwento ng aming impormante, “Talagang nu’n pa man, e, kuripot na siya. Kapag magkakasama sila ng mga kaibigan niya, e, hindi siya humuhugot, talagang tagakain-taga-inom lang siya.

“Kapag oras na ng bayaran ng bill, e, saka siya magsi-CR, halatang-halata na ayaw niyang mag-share sa gastos nila. Pinababayaan lang naman siya ng mga kaibigan niya dahil ganu’n na siya talaga, e!” unang chika ng aming source.

Pasko na. Bigayan na ng mga regalo. May ihinanda namang pangregalo ang kilalang aktor para sa mga staff nila sa isang serye. Hindi rin naman siya nagpahuli sa mga kasamahan niyang nagbibigay ng regalo sa kanilang mga kasamahan.

Patuloy ng aming source, “Oo naman, may ipinamigay rin naman siyang gifts, nabigyan niya naman ang lahat ng staff and crew, wala siyang hindi nabigyan.

“Sabi ng isang staff, ‘Napakagaan naman ng regalo niya, ano kaya ang laman nito?’ So, binuksan nga ng girl ang regalo sa kanya ng young actor. Ang bumungad sa kanya, isang tissue paper.

“Mismo! Tissue paper nga, ‘yung bilog, ‘yung pang-CR! Hindi ‘yung naka-box na facial tissue, ha? Bilog talaga. Isa nu’n ang laman ng bawat regalo niya sa lahat ng katrabaho niya.

“Bumili siya ng tissue paper na isang dosena ang laman, saka niya isa-isang ipinabalot sa alalay niya, ‘yun na ang Christmas gift niya sa lahat ng mga kasamahan niya.

“Yes! Pati sa ka-loveteam niya, tissue paper din ang regalo niya, pantay-pantay lang ang lahat, walang mas special. Tissue paper ang ibinigay niya kahit sa executive producer ng show nila,” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kita n’yo naman kung gaano na siya katagumpay na businessman ngayon, di ba? Ang nagagawa nga naman ng galing sa paghawak ng datung.

Read more...