PBA crown asam ni Arwind

“Lucky Shot” Ni BARRY PASCUA

HINDI natin alam kung paano makakaapekto sa morale ng San Miguel Beer ang pangyayaring natalo ang Beermen sa kanilang huling dalawang laro sa pagtatapos ng kanilang double round elimination schedule sa PBA Philippine Cup.
Kasi nga, hindi naman talaga kailangan ng Beermen na manalo pa dahil tuluyan na silang nakapasok sa semifinal round nang talunin nila ang Barako Bull, 94-85, noong Enero 8.
Mahirap talagang i-motivate ang mga players ng isang team na “mission accomplished” na. Kumbaga, papasok sa laban, talagang buhos pa rin sila. Pero at the back of their minds, natural na iniisip na nila ang semifinals.
Kahit paano nga’y “very commendable” ang kanilang performance laban sa nagtatanggol na kampeong Talk ‘N Text na kailangang-kailangang manalo noong Sabado sa kanilang out-of-town game sa Zamboanga City.
Aba’y napakalaki ang nakataya para sa Tropang Texters dahil kung natalo sila ay baka bumagsak pa sila sa wildcard phase. Muntik pa nga silang masilat kundi lamang sa huling layup ni Jimmy Alapag sa huling 1.5 segundo ng laro na nagbigay sa kanila ng 93-91 panalo.
So, marahil naman ay isinaisang-tabi na ng Beermen ang resulta ng kanilang huling dalawang games. O pati na rin ang kabuuan ng elimination round. Wiped out na nga iyon. Hindi na nila iyon babalikan pa dahil sa nakarating na kaagad sila sa semifinals at maghihintay na lang ng makakalaban three weeks from now.
Siguradong mula ngayon hanggang sa simula ng semifinals, ang Beerman na talagang todo-todo ang magiging concentration ay si Arwind Santos.
Ito’y hindi lamang sa siya ang frontrunner sa labanan para sa Best Player of the Conference award.
Higit pa roon ang nakataya para kay Santos na nakuha ng San Miguel Beer sa Burger King sa isang trade bago nagsimula ang 35th season ng PBA.
Kasi nga, sa mga manlalaro sa kasalukuyang line-up ng San Miguel Beer, tanging si Santos ang hindi pa nakakatikim ng kampeonato sa PBA!
Siya lang ang Beerman na walang championship sa PBA!
Biruin mo iyon?
Si Santos ay nagkampeon bilang isang manlalaro ng Far Eastern University Tamaraws sa University Athletic Association of the Philippines. Nagkampeon din siya noong naglalaro siya sa Magnolia sa Philippine Basketball League.
Subalit sa unang tatlong seasons niya sa PBA kung saan naglaro siya sa Burger King (dating Air21), ang pinakamataas na narating ng kanyang koponan ay second place sa Barangay Ginebra noong 2007-08 Fiesta Conference. Muntik nang magkampeon ang Air21 noon dahil sa nakalamang sila sa best-of-seven Finals, 3-2, subalit nanalo ang Gin Kings sa sumunod na dalawang games upang maghari.
Amoy na niya ang kampeonato subalit hindi pa niya naabot.
Ganoong kalapit!
At heto na naman siya. Nasa semifinals na ang kanyang bagong koponan. Malapit na malapit na sila sa Finals.
Tiyak na gagawin ni Santos ang lahat ng kanyang magagawa upang matupad ang kanyang pangarap na maging bahagi ng isang champion team sa PBA!

BANDERA Sports, 011810

Read more...