PINAGHAHANAP ngayon ang isang pulis na bumaril at nakapatay sa tatlong miyembro ng pamilya, na kinabibilangan ng isang bata, sa Quezon City, Biyernes ng madaling-araw.
Tumanggi muna ang Quezon City Police District na pangalanan ang suspek dahil sa isinasagawang manhunt, pero sinabi na ito’y isang pulis na nakatalaga sa Caloocan City.
Nakilala naman ang mga biktima bilang sina Romeo Ado, 54; misis niyang si Christine, 50; at anak nilang si Romeo Jr., 10.
Pinagbabaril ang tatlo sa loob ng kanilang bahay sa Madrigal st., Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-Asa, dakong alas-12:30, ayon sa ulat ng QCPD Station 2.
Sinabi sa pulisya ng ilang saksi na bago iyo’y hinanap ng suspek ang bahay ng isang “Romeo,” at pagkatapos ay nakadinig na sila ng mga putok ng baril mula sa bahay ng mga Ado.
Nang makalabas sa bahay ay tinanong pa umano ng suspek sa ilang residente kung kilala nila siya, at nang sabihin nilang hindi ay nanakbo na ito palayo, ayon sa ulat.
Gayunpaman, sa pagtatanong ng mga imbestigador, sinabi ng ilang saksi na kilala nila ang suspek dahil ito’y dating nanirahan sa kanilang lugar.
Napag-alaman pa na dating kinasuhan ng mga Ado ang suspek ng grave threats in relation to Republic Act 7610 o Anti Child Abuse Law.