PAK na pak! ‘Yan ang sigaw ng Filipino fans and supporters ni Maymay Entrata matapos ang kanyang matagumpay na pagrampa sa Arab Fashion Week 2018 sa Dubai.
Personal na inimbita ng sikat na international fashion designer na si Furne One, with fashion PR na si Josh Yugen, si Maymay para maging isa muse ng Amato Couture for its Pre-Fall 2019 collection.
Siguradong proud na proud ang mga Pinoy na dumalo sa nasabing international fashion event dahil nasaksihan nila mismo ang agaw-eksenang presence roon ng PBB Lucky Season 7 Big Winner.
Inangkin ng dalaga ang runway nang irampa na niya ang creation ni Furne One. Nakasama roon ng Kapamilya star ang iba pang international models mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Base sa mga video na napanood namin sa social media na kuha sa Aran Fashion Week, malakas na palakpakan at sigawan ang ibinigay ng audience kay Maymay nang magsimula na siyang rumampa sa runway.
Dalawang creation ni Furne ang isinuot ng dalaga sa fashion show, una ang gray cocktail dress na may feather details at ikalawa ang full-length gown na may kapareho ring kulay.
Siyempre, todo suporta rin as dalaga ang kanyang ka-loveteam na si Edward Barber na super proud sa bagong achievement ng kanyang “soulmate”.
Siguradong after this event, magsusunud-sunod na ang proyekto ni Maymay bilang international ramp model at malay n’yo ito na rin ang maging daan para makasali siya sa Asia’s Next Top Model ni Tyra Banks.