Pasabog agad ang unang sultada ng pinagbibidahang serye nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo na katapat ngayon ng FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.
Pinaghandaan ng GMA 7 ang pakikipagtapatan nila sa tatlong taon nang matagumpay na serye na walang nakapagpadapa kahit kailan. Sa unang gap pa lang ay sumentro na ang Cain At Abel sa upakan na walang humpay.
Pero talagang malakas ang kapit sa publiko ni Coco Martin, milya-milya pa rin ang layo ng Ang Probinsyano sa serye nina Dingdong at Dennis, para ngang wala naman silang kalaban.
Si Coco Martin pa rin ang tinutukan ng ating mga kababayan, ang istilo pa rin ng kanyang atake ang hindi binitiwan ng manonood, kahit pa pinaghandaan talaga ng Cain At Abel ang pagtapat sa kanila.
Kakuwentuhan namin si prop na tumutok din sa serye ng Siyete, ang kanyang komento, “Maganda ang unang gabi nila. Alam mong pinaghandaan, kasi, hindi ang kadalasang atake na puro flashback muna ang mapapanood mo sa pag-uumpisa ng serye.
“Ang sa kanila, upakan agad, may mga pinasabog din silang sasakyan, nagbarilan din nang wagas sina Dingdong at Dennis, aksiyon kung aksiyon talaga!
“Pero wala silang magagawa, si Coco pa rin ang tinutukan, kahit pa tatlong taon nang umeere ang serye. Pinaghirapan nilang pera ang ipinambabayad nila sa kuryente, kaya sila pa rin ang nasusunod kung ano ang mas gusto nilang panoorin,” pagtatapos ni prop.