4 na trabahador sa QC ‘stairway to heaven’ footbridge arestado sa shabu

ARESTADO ang apat na trabahador na gumagawa ng kontrobersyal na “stairway to heaven” footbridge sa Quezon City, matapos maaktuhang gumagamit ng shabu, kahapon.

Naaresto ng mga miyembro ng Kamuning Police Station ang apat na manggagawa matapos makatanggap ng ulat na gumagamit ng iligal na droga ang ilan sa mga gumagawa ng footbridge.

Nahuli ang mga suspek sa kanilang barracks malapit sa NIA Road, ayon sa ulat mula sa Quezon City Police District.

Kinilala ang mga naaresto na sina Jan Jan Rasonable, 26, Joseph Baldia, 27, Lolito Lacang, 38, at Jonard Jagon, 23.

Narekober mula sa mga suspek ang apat na sachet ng shabu, P300 marked cash, at iba’t ibang paraphernalia.

Nakakulong ang mga suspek sa Kamuning police station at nahaharap sa mga kaso.

Samantala, tiniyak ni Metro Manila Development Authority (MMDA) na walang dapat ikabahala sa kaligtasan ng footbridge.

“[There is] nothing to worry in the safety of the bridge despite reports na adik ang mga gumagawa dahil may final inspection prior to acceptance lahat ng government projects,” sabi ni Celine Pialago, spokesperson ng MMDA.

Sinabi ni Pialago na target na mabuksan ang P10 milyong footbridge sa Nobyembre 27.

Tinagurian ng mga kritiko na “stairway to heaven,” binatikos ng mga netizens ang 10 metrong taas na footbridge malapit sa GMA Kamuning Metro Rail Transit-3 station dahil sa disenyo nito.

Read more...