MAGANDANG senyal ang padaplis na reklamo ni Janno Gibbs sa hindi niya pagkasali sa Christmas Station ID ng ABS-CBN. Pagkatapos nang ilang dekada ay ngayon lang narinig ng publiko ang pagtatampo ng magaling na singer-actor.
Maganda ‘yan, nagpapahalaga na ngayon si Janno sa kanyang career, hindi tulad nu’n na maraming alok na trabaho sa kanya pero siya mismo ang nagtatamad-tamaran.
Gasgas nang kuwento ang pagiging tamad ni Janno. Ang palaging lumulutang na kuwento ay insomniac daw siya. Gising sa buong gabi at sumisikat na ang araw kapag nakakatulog siya.
Kaya nawawalan ng kabuluhan ang kanyang maghapon, tulog kasi siya sa buong araw, pagkatapos ay gising na naman siya nang magdamag.
Mapagbiro ang panahon, kung kailan naman niya gusto nang magtrabaho ay saka mailap sa kanya ang kapalaran, pumirma na siya ng kontrata sa Viva pero wala pang bagong nagaganap sa kanyang karera.
Nagkaroon siya ng partisipasyon sa matagumpay na seryeng FPJ’s Ang Probinsyano, pero mabilis lang naman ‘yun, pinatay rin agad siya sa serye.
Kailangang dagdagan pa ni Janno Gibbs ang kanyang pagsisikap, napag-iiwanan na siya ng kanyang mga kakontemporaryo, nakapanghihinayang ang kanyang talento sa pagkanta at pag-arte lalo na’t anak siya ng napakapropesyonal na si Ronaldo Valdez.