Sylvia Sanchez sa relasyong Maine-Arjo: Basta masaya ang anak ko

SYLVIA SANCHEZ

“MASAYA ang anak ko, at ‘yun ang importante sa akin bilang ina.” ‘Yan ang sinabi ni Sylvia Sanchez tungkol sa relasyon umano ng kanyang anak na si Arjo Atayde kay Maine Mendoza.

Sa panayam ng Magandang Buhay kay Ibyang, sinabi nitong nababalitaan niya ang pagkaka-link ni Arjo kay Maine, pero wala pa raw sinasabi ang anak about this.

“Nakikita ko siyempre yung mga litrato. Nababalitaan ko. Mas nauuna yung social media sa akin,” chika ng award-winning actress.

Dugtong pa niya, “Tinatanong ko si Arjo, ngingitian lang ako. Walang usapang ganu’n sa bahay. Basta ako, kung ano yung gusto niya, kung ano yung ayaw niyang sabihin sa amin, sikreto niya, respeto.

“So, kung anuman yung ginagawa ng anak ko, buhay niya ‘yan, e,” pahayag pa ng mommy ni Arjo.

Nauna nang nagsalita ang Kapamilya actor na masaya ang lovelife niya pero hindi niya diretsong sinabi na ang tinaguriang Dubsmash Queen ang nagpapaligaya sa kanya ngayon.

Kahit si Maine ay ayaw ding magsalita tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Arjo, basta aniya, happy din siya ngayon sa kanyang personal na buhay.

Maraming fans ng dalaga at ng dati niyang ka-loveteam na si Alden Richards ang nalulungkot dahil parang wala nang pag-asang magkatuluyan sa totoong buhay ang kailang mga idolo.

Read more...