HALOS sabay na naglunsad ng kanilang Christmas Station ID ang ABS-CBN at GMA 7.
Parehong pinagpaguran ng sinasabing magkalabang network ang kanilang handog sa publiko ngayong Kapaskuhan.
Puso ang sigaw ng Siyete, pamilya naman ang timon ng ABS-CBN, kani-kanyang atake at preparasyon ang dalawang istasyon sa Christmas ID nila.
Kapansin-pansin na sangkatutak pala talaga ang kontratadong artista ng ABS-CBN. Halos ikatlong bahagi lang ng kabuuang bilang nila ang mga artista at personalidad na nasa GMA 7.
Tatlong patong ang malayuang shot sa bandang dulo ng ABS-CBN Christmas ID, hindi na halos masakop ang dami nila ng camera works, kaya kailangan ang wide shot.
Umikot nang umikot ang mga camera sa mga ipinagmamalaki nilang artista, binigyan ng magandang exposure ang kalilipat pa lang na si Regine Velasquez at si Vice Ganda, pero sa pinakahuling frame siyempre nandu’n ang mga pinakabida.
Kina Coco Martin, Manang Inday (Susan Roces) at Ms. Charo Santos-Concio huminto ang pinakahuling kuwadro.
Sila ang pinakamalalaking personalidad na itinuturing ng ABS-CBN.
Nu’ng nabubuhay pa ang Comedy King na si Tito Dolphy ay ito at ang aktres-tagapamuno ng Dos na si Ms. Charo Santos-Concio ang may-ari ng huling frame sa kanilang mga Station ID.