SANA magkaroon ng chance na magkakilala nang personal sina KZ Tandingan at ang bagong singer-songwriter na si Jermae Yape na tubong Bacoor, Cavite at kasalukuyang nasa Grade 10 sa La Salle Dasmariñas.
Sa ginanap na single launch ni Jermae na may titulong “Summer” ay nabanggit niyang sobrang idol niya si KZ at sana ay makilala niya ang X Factor Philippines 2012 winner at magkatrabaho sila.
“Si KZ (gustong maka-collaborate), dahil ‘yung craft po niya and ‘yung voice niya, kung paano niya i-deliver ang kanta niya. Kung bibigyan ako ng chance, siya ang dream kong maka-duet na local artist, idol ko po kasi siya talaga,” sabi ni Jermae.
Matatawag na ring OPM artist si Jermae dahil siya mismo ang sumulat ng “Summer” with the help of Jheorge Normandia.
Kuwento ng 16-year old, “First single ko po ito ever, kaya sobrang overwhelm ako. Kasi, sobrang pinapangarap ko talagang maging singer. Kaya thankful po ako, singing talaga kasi po ang love kong gawin.”
Millennial ang tunog ng “Summer” at puwede ring gamitin sa TV commercial kaya hindi kami magtataka kung isang araw ay napapakinggan na rin ito bilang jingle.
Sabi ni Jermae, “Digitally released po siya at labas na ngayon sa lahat ng digital platform like sa Spotify, iTunes, Tweezers, Googles, Amazon.”