Grace Poe kumampi kay Coco, dumepensa para sa ‘Probinsyano’
NAGBANTANG magsasampa ng kaso ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.
Batay sa ini-labas na press release mula kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, pinag-iisipan nilang mag-file ng legal action at mag-impose ng sanctions “if Ang Probinsyano continues with its grossly, unfair and inaccurate portrayal of our police force.”
Lumabas ang press release isang araw pagkatapos maglabas sa publiko ng pagkadismaya si DILG Secretary Eduardo Ano sa hindi magandang pagsasalarawan ng mga pulis sa serye ng ABS-CBN.
Ang Philippine National Police (PNP) ay nasa ilalim ng pamamahala ni DILG Sec. Ano. Pero hindi naman daw nais ng Kalihim na ipatigil ang teleserye ni Coco. Gusto lang daw niyang ipabago ang plot ng Probinsyano.
Pero para kay Sen. Grace Poe, sa modernong paglalahad ng Probinsyano na unang pinagbidahan ng kanyang ama sa pelikula, nagpapasalamat ang kanyang pamilya na hindi lamang ni-rerespeto ang legasiya ni FPJ kundi i-pinapaalaala rin ang kahalagahan ng pamilya, paggalang sa nakatatanda, kagitingan at pagmamahal sa bayan.
“Ito ay malikhaing katha ng mga nasa likod ng produksyon. May mga kontrabida sa kwento, hindi lamang pulis kundi iba pa. Pwede nating sabihin na ‘bato-bato sa langit, tamaan ay ‘wag magalit,” ani Sen. Grace.
Dapat daw tingnan ang kabuuan ng istorya na sa gitna ng kasamaan ay may mga pulis na gaya ni Cardo at kanyang mga kasamahan na ipaglalaban ang katwiran at katotohanan. At sa huli, magagapi ng mabuti ang masama.
“Ang pananaw ng ating mga kababayan sa kapulisan ay nakasalalay sa tunay na gawain ng mga pulis at hindi sa teleserye,” sabi pa ni Sen. Grace.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.