SA ginanap na celebrity screening ng “Glorious” mula sa Dreamscape Digital ay isa-isang ipinakilala ang creators at directors’ para sa walo pang digital films at series na mapapanood sa iWant, ang bagong streaming service ng ABS-CBN.
Palabas na ang May-December love affair nina Tony Labrusca at Angel Aquino sa “Glorious” sa iWant at TFC.tv at susundan nga ito ng kuwento ng pag-ibig ng isang tao at isang alien sa intergalactic love story sa “Jhon en Martian” nina Arci Muñoz, Pepe Herrera at Rufa Mae Quinto. Nilikha ito ni Joma Labayen at idinirek ni Victor Villanueva, ang direktor ng “Patay na si Hesus.”
Curious din kami sa “Project Feb 14” na isang horror film na isinulat at idinirek ni Jason Paul Laxamana starring JC Santos, McCoy de Leon at Jane Oineza.
Bukod dito, nakatakda ring ipalabas ang isinulat ni Bela Padilla na “Apple of My Eye” na pagbibidahan nina Marco Gumabao at Krystal Reyes mula sa direksyon ni James Robin Mayo na isa ring kilig-kiligan movie.
Isa pa sa dapat abangan sa iWant ay ang part 3 ng “Ang Babae sa Septic Tank”. Akala namin ay sa commercial theater namin ito mapapanood pero mas ginusto ng Quantum Films na ibigay ito sa iWant.
At mismong ang bida na ng pelikula na si Eugene Domingo ang magdidirek nito sa panulat pa rin ni Chris Martinez. Sa teaser pa lang ng “Ang Babae Sa Septic Tank 3” na i-pinalabas bago ang celebrity screening ng “Glorious” ay mukhang riot na naman ang kuwento nito.
Abangan din ang “ATTY.” nina JC de Vera, Ritz Azul at Kit Thompson sa direksyon ni King Palisoc mula pa rin sa Quantum Films; ang “Bagman” nina Arjo Atayde, Raymond Bagatsing at Allan Paule sa direksyon ni Shugo Praico; at ang anthology series na “Commuters in Manila” na idinirek ni Chad Vidanes.
Maaari nang ma-download ang bagong iWant app sa iOS at Android, pwede rin itong ma-access sa web browser (iwant.ph). Ang mga user namang may iWant TV app ay kailangan lang mag-update ng bagong bersyon nito.
q q q
Personal choice pala ni Vice Ganda sina Maymay Entrata at Kisses Delavin bilang endorsers ng Vice Cosmetics kaya ang litrato ng dalawang young actress ang naka-display sa kanilang flagship store na pormal na binuksan nitong Sabado sa ground floor ng Market! Market!.
Kuwento ni Vice, “Kasi nu’ng naghahanap kami kung sino ‘yung puwedeng mag-represent ng Vice Cosmetics bukod sa akin, sina Maymay at Kisses ang naisip ko kasi sila ‘yung dalawang mukha ng kabataan ngayon, di ba?
“Isang batang nanggaling sa payak na pamilya (Maymay), ‘yung isa naman mula sa nakakaluwag-luwag (Kisses), tapos batang morena at isang maputi. Kaya silang dalawa talaga ‘yung perfect na mag-endorse, sila ‘yung target namin (millennials) audience namin,” paliwanag ng TV host-comedian.
On the works na rin na gawing international brand ang Vice Cosmetics.
“Pero siyempre ang gusto ko munang makinabang nitong produktong ginagawa natin ay mga Pilipino, after nito, gusto kong mailabas sa ibang bansa, international brand na siya and we’re working on it,” kuwento pa ni Vice.
Bilang guru na sa lipstick ay ano ang maia-advise ni Vice sa mga bibili ng mga cosmetics niya? “Depende kasi sa uri ng tao, depende sa kulay nila. Kaya ang tagline namin for ViceCo is ‘Ganda for All’ kasi lahat sila puwede.
“Kahit anong complexion mo, kahit anong kulay mo puwede, anong uring tao ka, merong may shades para sa ‘yo. Merong pang-maputi, merong pang-maitim, may pang-morena. Marami silang pagpipilian.”
Bukod sa Market! Market! ay available rin ang Vice Cosmetics sa lahat ng branches ng Watsons na matatagpuan sa mga malls, kabilang na ang SM. On the works na rin ang pagpapatayo ng ikalawang store sa SM North EDSA at Trinoma.