‘Samuel’ lalakas habang papalapit sa lupa

LUMAKAS ang bagyong Samuel habang papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong araw.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration malaki ang posibilidad na lalo pang lumakas ang bagyo dahil nasa karagatan pa ito.

Alas-10 ng umaga ng pumasok sa PAR ang bagyo. Kung hindi magbabago ng bilis at direksyon ang bagyo ay inaasahang magla-landfall sa Martes.

Ang bagyo ay umuusad sa bilis na 15 kilometro bawat oras patungong kanluran-timog kanluran.

Ngayong umaga ang bagyo ay inaasahang nasa layong 625 kilometro sa silangan-timog silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Ang hangin nito ay may bilis na 55 kilometro bawat oras at pagbugsong 65 kilometro bawat oras.

Magdudulot ang bagyo ng pag-ulan sa Caraga Region, Davao Oriental at Compostela Valley.

Samantala, patuloy na lumalayo sa PAR ang bagyong may international name na Toraji. Ito ay nasa layong 945 kilometro sa kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan. Umaabot sa 65 kilometro bawat oras ang bilis ng hangin nito at pagbugsong 80 kilometro bawat oras.

Read more...